Imelda Marcos, ‘di nakapasok sa b-day party ni Brillante Mendoza

WALA tayong kamalay-malay, nasa pali-paligid lang ng distritong Barangca sa Mandaluyong City si dating Unang Ginang Imelda Marcos nang magdiwang ang 2009 Palm d’Or Best Director sa Cannes International Film Festival si Brillante Mendoza.

Pero bakit wala siya sa loob ng hardin ni Brillante kung saan ginanap ang kanyang kaarawan samantalang nandoon ang halos lahat ng mga bigatin sa showbiz tulad nina Mel Chionglo, Gil Portes, Evelyn Vargas, Cherry Cornell, Arman Reyes, Fanny Serrano, Harold Montano, Benhur Abalos, Pepe Diokno, Mark Meily, Sheron Dayoc, Cecile Guidote-Alvarez, Bibsy Carballo, Sonny Alvarez, Max Tissier, Ed Instrella at marami pang iba?

Porke ba hindi wala na sa mataas na kapangyarihan ng lipunan si Marcos ay wala nang papansin sa kanya?

TH o Trying Hard nga ba si Imelda na makipagsosyalan? O bakit pinaghintay si Ginang Marcos?

Ang nangyari pala, nagpasabi si Imelda na nakasakay sa kanyang kotse na nandoon siya sa labas ng pinagdausan ni Mendoza ng okasyon.

***

Nakarating talaga sa mga kinauukulan na si Imelda ay nasa labas ng hardin ni Dante Mendoza .

Kaya lang ay hindi lang siya ang bisita sa mga sandaling ‘yon at inilaan naman sa kanya ang pagsundo sa tarangkahan dahil siya naman ay Imelda Marcos na isang mamamayan na may karapatan na bigyang-pansin ng kanyang kapwa.

Pero talagang aligaga ang lahat ng tao sa selebrasyon at wala nang matirang panahon sa iba pang pagtunghay sa nagaganap sa paligid.

Nakahanda na si Brillante na sunduin ang isa sa kanyang natatanging panauhin dahil wala pa naman umanong katagalan ang pasabing nasa labas ang dating first lady.

Nang pumunta na sa may gate si Brillante para sunduin si Imelda ay wala na ang itinuring na Iron Butterfly ng kanyang pamamayagpag.

Maaaring nainip na si Marcos sa paghihintay kahit sa madaling panahon lang.

***

Pero hindi GAKA o gatecrasher si Imelda sa birthday party ni Mendoza.

Sa katunayan, siya ay pinadalhan ng imbitasyon at inasahan talaga ang kanyang pagdating.

Pero hindi nga siya nakapaghintay. At saka, ang gusto pala ni Imelda ay makapasok ang kanyang sasakyan sa lugar ng kumpleanyo ni Dante.

Pero marami pa ngang rikotitos ang gagawin para makapasok ang isang behikulo sa loob ng hardin ng internationally acclaimed director na hindi na nakayanang hintayin pa ni Marcos.

Gayunman, nagbalik ang sasakyan ni Congresswoman Imelda Marcos pero hindi na siya lulan nito. Ang drayber na lang ng kanyang kotse ang bumaba sa tapat ng pinagdadausan ng kaarawan ni Dante at iniabot na lang ang pagbati sa may kaarawan.

Lagpas nang hatinggabi ‘yon at patuloy pa rin ang kasiyahan sa pagbalot sa hardin ni Brillante.

***

Matatandaan na si Imelda ay siyang naghawan ng paglalandas ng sining ng sineng internasyunal sa Pilipinas pero bilang isang lider ng bansa ay responsibilidad niya ‘yon sa kanyang mamamayan dahil binigyan siya ng karapatan ng mga ito bilang lider sosyo-sibiko at tagapangulo ng Metro Manila na bigyan ng kultural na kamalayan ang sambayanan sa ikauunlad ng bayan pero ang kaunlarang ‘yon ay para sa kagalingan ng lipunang Filipino at hindi ng pansarili lamang na interest.

Si Marcos ang nagdala ng kauna-unahang Manila International Film Festival sa Pilipinas pero katulong niya siyempre sa pagtataguyod ng sining ng bansa ang maraming artista at alagad ng sining sa pagpapakita ng mga katotohanan ng buhay, pangit man o maganda bagamat “the true, the good and the beautiful” lang ang nais ng dating unang ginang.

Malaki ang papel ng mga alagad ng sining sa pagpapakita sa buong mundo na may ibubuga at tunay na pagmamahal sa bansa ng mga ito lalo na sa hanay ng mga naghihikahos.

Isa si Lino Brocka sa maliliit na alagad ng sining na nagdala ng karangalan sa Pilipinas kahit kahirapan ang ipinamamalas niya sa kanyang pelikula at telebisyon. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply