6 taon kulong sa fixer ikinasa sa Senado

Makukulong ng hindi hihigit sa anim na taon ang sinumang mapapatunayang gumanap bilang fixer sa alinmang ahensiya ng pamahalaan sakaling maisabatas ang panukalang inihain kahapon ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Ayon kay Escudero, nakatakda sa Senate Bill No. 102 o ang An Act Penalizing Influence Peddling na ipinagbabawal ang sinuman na kumatawan sa alinmang opisyal o empleyado ng pamahalaan na may transaksiyon o kahilingan sa gobyerno.

“Layunin ng panukala na itigil ang korapsiyon sa simula pa lamang at bago makapinsala sa kaban ng bayan,” giit ni Escudero.

“Bawal na ang fixers o middle-men sa gobyerno,” dagdag ni Escudero.

Aniya, walang ganap na batas na kategorikal na nagpaparusa sa isang pampublikong opisyal na kumikilos upang makakuha ng impluwensiya sa iba pang opisyal na kumikilos na pawang hindi napapatunayang ilegal.

“Pinarurusahan lamang ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang taong tumanggap ng regalo, o anumang materyal na bagay o nagkakaroon ng bentahe sa pakikipagtraksiyon sa gobyerno kabilang ang walang awtoridad na aktuwal na mamagitan, direkta man o hindi direkta sa anumang transaksiyon sa gobyerno. Mayroong puwang na dapat punan ng batas,” paliwanag ni Escudero.

Matatandaan na ginamit umano ni dating first gentleman Atty. Jose Miguel Arroyo ang kanyang impluwensiya sa Palasyo kaya nakopo ng ZTE Corporation ng China ang $329 milyong National Broadband Network Project sa pamamagitan ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos.

Sinabi pa ng senador na mahirap mapatunayan ang ganitong pangyayari alinsunod sa kasong idinulog sa Supreme Court partikular ang Boviera v. Zoleta na denisisyunan noong 2006 na hindi bawal ang pagkuha ng impluwensiya sa isang pampublikong opisyal alinsunod sa itinakda ng naturang batas

Parurusahan ng hindi hihigit sa anim na taon at pagmumultahin nang hindi lalampas sa P100,000 at diskuwalipikado sa anumang posisyon sa gobyerno ang sinumang mapatutunayan na humingi o gumamit ng impluwensiya sa pamahalaan sa pagkuha ng anumang kahilingan o proyekto. Ernie Reyes

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply