7 sa 10 mag-aaral biktima ng karahasan —Council for the Welfare of Children

ANG kabataan ang pag-asa ng ating bayan. Ito ang pomosong kasabihan na nakasalalay sa ating kabataan ang kinabukasan ng ating sambayanan.

Pero paano nga ba sila tunay na magiging pag-asa sa hinaharap kung sa kabataan pa lamang nila’y dumaranas na sila ng mga pang-aabuso mula sa sariling pamilya, guro at maging sa kapwa nila mga bata.  Dagdag pa dito ang pang-aabuso sa kanilang kalusugan, walang sapat na masustansiyang pagkain at maayos na masisilungan.

Marami sa mga bata ang sinisikap ng mga magulang na kahit papaano’y makatuntong ng paaralan para matuto subali’t nauuwi lamang sa tuluyang pagtigil sa pag-aaral dahil sa nararanasang karahasan mula sa mismong paaralang pinapasukan.

Sa pinakahuling ulat ng Council for the Welfare of Children (CWF), pito mula sa sampung batang mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan ang nagiging biktima ng karahasan mula sa kanilang kapwa mag-aaral at mga guro.

Ayon sa ulat, karaniwan sa nasabing karahasan ay ang  pamamalo at sexual harassment sa mga paaralang pinangangasiwaan ng  pampublikong pamahalaan sa bansa.  Marami sa kanila ang araw-araw ding nakararanas ng paninigaw ng kanilang guro at kapwa mag-aaral.

Minsan nakapagdaramdam pa dito ay ang lantarang pangungunsinti  ng mga eskuwelahan ang pananampal, pamamalo, pamimingot, panghahampas, pang-aalipusta at paninigaw sa mga bata bilang paraan ng pangdidisiplina at walang batayang mekanismo para tugunan ang ganitong reklamo.

Bilang isang magulang, masakit na makita o mabalitaan na nakararans ng ganito ang iyong anak sa paaralan na sinasabing dapat ay nagsisilbing ikawalang tahanan n gating mga anak.

“Kahit nga mahinang kutos lang sa anak ko ng kaklase niya umiinit agad ang dugo ko kapag nagsusumbong ang anak ko pag-uwi ng bahay.  Ako ngang ina ay hindi ko sinasaktan ang anak ko kahit gaano man siya kakulit dahil alam kong bata pa siya at likas na pasaway ang batang nasa edad 7,” ayon kay Aling Yolanda ng Paco, Manila, ina ng 7 taong gulang at grade 1 student.

“Dapat na matigil ang ganitong mga uri ng karahasan. Nakakadagdag ito sa mataas na student dropout rate sa ating mga eskulwelahan,”  giit ni Sen. Ramon ’Bong’ Revilla Jr., chairman,  Senate Committee on Mass Media.

Bilang pagsusulong sa child protection, inihain ni Revilla,  ang dalawang panukalang-batas upang lubos na mapangalagaan ng mga bata mula sa karahasan sa loob at labas ng paaralan.

Una dito ang panukalang magtatatag ng isang independent body na magsisiyasat at magsusulong ng prosekusyon sa anumang insidente ng pang-aabuso, exploitation at diskriminasyon sa mga bata.

“Kailangan talaga natin ng isang watchdog laban sa mga child abusers, maging sinuman ang may sala,  karaniwang mamamayan man,  kawani ng paaralan o miyembro ng pamilya,”  diin pa ni Revilla.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2191, ang Office of the Tanodbata ay magsisiyasat sa reklamo ng sinuman, at maghahain ng kaukulang kaso laban kaninuman, anumang kompanya na aabuso sa mga kabataan.

Magtatalaga ito ng tig-isang special prosecutor at imbestigador para sa Luzon, Visayas at Mindanao.

“Aatasan ng Office of the Tanodbata ang anumang ahensiya ng gobyerno na magbigay ng tulong at kinakailangang impormasyon para sa kapakanan ng mga batang Pilipino at titiyaking maipapatupad ang mga batas hinggil sa karapatang-pambata,” paliwanag pa ni Revilla.

Kasabay na inihain din ng mambabatas  ang Senate Bill No. 2004,  na layong magtatag ng isang National Parent Council na aalalay o aayuda sa mga magulang sa pagtataguyod ng  civic efficiency at moral development ng kanilang mga anak.

“Hangad ng panukalang ito na isulong ang partisipasyon ng mga magulang sa ating educational system sa pamamagitan ng pagpapalakas ng parents association. Ang pagtutulungan ng mga magulang, guro, school management, komunidad at mga bata mismo ay susi para makapaghatid ng pinakamaayos na edukasyon para sa ating mga anak. Kumpiyansa akong
magiging malaking tulong ang panukalang ito para tugunan ang mga children-related violence sa loob o labas man ng paaralan,” pinunto niya.

Alinsunod sa nasabing panukala, ioorganisa ang parent associations sa mga eskulewahan, lungsod o munisipalidad at provincial levels.  Bubuo din ng National Parent Council na kabibilangan ng mga kinatawang inihalal  mula sa Provincial Parents Associations. Tungkulin ng konseho hindi lamang ang itaguyod ang kapakanan ng mga batang mag-aaral kundi maging pagpapaunlad ng komunidad na kanilang tinitirahan.

Crisis centers para sa mga batang lansangan

PATULOY na lumolobo ang street children o mga batang lansangan sa bansa subali’t tila walang sapat na batas na masasabing may pangil para kontrolin ang paglaganap pa ng mga ito.

Marami sa kanila ang tuluyang napaririwara, naaabuso, nasasadlak sa droga, nakawan at iba pang gaya nito dahil walang mga magulang na gumagabay.

Tinatayang aabot sa 250,000 ang street children o mga batang lansangan sa 65 mga lunsod sa bansa.  Sa Metro Manila lamang ay halos nasa 85,000 na ang mga batang lansangan noong 2007 ayon sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Dahil dito, mahigpit na inirerekomenda ni Sen. Loren Legarda sa kaniyang panukalang batas naglalayong magtatag ng crisis centers sa bawat munisipalidad.  Ito ay may komprehensibong  programa na magbibigay ng iba’t-ibang serbisyo gaya ng pansamantalang tuluyan, emergency services, serbisyong medikal at feeding programs gayundin ang pangunahing edukasyon.

“These services shall be implemented by the Department of Social Welfare and Development (DSWD), in close consultation with the local government units concerned,” ayon sa panukala ni Legarda.

Naniniwala ang mambabatas na ang  Senate Bill No. 1438 ay magiging daan para sa mga batang lansangan na maiangat ang kanilang kalagayan at pagkatao at tuluyang mailayo sa mga lansangan.  Sa pamamagitan ng livelihood programs o pagkakakitaan, teknikal, at social skills.

Tinukoy ni Legarda ang pag-aaral ng Childhope, isang non-government organization (NGO) na kumakalinga sa mga batang lansangan na 70 porsyento ng mga bata na lantarang naninirahan sa lansangan ay kalalakihan.

Ito ay mga batang naghahanapbuhay sa lansangan mula 6 hanggang 16 oras ng iba’t-ibang pinagkakaitaan para makakain sa maghapon. Kadalasang nagmumula sa ang street children sa malalaking pamilya, mula 6-10 miyembro kada pamilay.
Karamihan sa kanila ay malnourished o kulang sa timbang at anemic dahil sa kakulangan ng sustansiya sa katawan.  Bansot sa kanilang edad.

Nakararanas sila ng mga pang-aabuso o karahasan dahil sa tinatawag na family pressures,  at napababayaan sa kanilang mga tahanan. “Very often, they develop low self-esteem,” ayon kay Legarda.

Malapit din sa gulo o ‘takaw gulo’ ang gma batang lansangan. Madalas na nakikipag-away sa mga mas nakatatanda sa kanila,
nakikipagtalo sa mga pulis, madalas na suspek ng mga pulis at naaresto kahit na simpleng kaso lamang.

Ang mga batang lansangan ay kadalasang mula sa broken broken families. Sinasabing disbentahe ang mga babeng kabataan dahil sila’y mas inaasahan ng magulang sa pangangalaga sa tahanan  at nakalantad sa pang-aabusong sekswal.

Abala ang mga magulang ng  street children sa kanilang mga paghahanapbuhay .  kadalasan yung mga trabahong mababa ang sahod gaya ng   construction workers, vendors,  scavengers o mangangalakal.

Ang panukala ni Legarda ay magbibigay pahintulot sa implementing agency na tumanggap ng mga donasyon at iba pang ayuda mula sa local and international organizations upang matugunan ng sapat na pondo sa pagtatag, pagmimintine at pagpapatakbo sa bawat  street children crisis centers.

“These funds will be distributed accordingly to the various crisis centers within the city or municipality. The additional funds will
ensure that a higher number of street children will be provided the necessary attention and assistance,” ani Legarda.
“National and local government agencies, along with non-government organizations, have been working hand in hand in order to uplift the situation of the Filipino street children. However, there are numerous needs that have yet to be met,” pagtatapos pa ni Legarda.  Linda Bohol

One Comment

  1. Pingback: 7 Sa 10 Mag-Aaral Biktima Ng Karahasan Council For the Welfare of …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>