Bakit nagbabaga ang balita

KUNG libangan ninyong makinig ng balita sa radyo o manood nito sa TV, siguradong alam na ninyong “nagbabaga” ang balita. Hindi balita ’yan kung hindi nagbabaga. At nagbabaga lang, hindi nag-aapoy, kahit ang ibinabalita e sunog sa kung saan-saang lugar.

Bakit nga ba naging nagbabaga ang balita at kailan ito nagbaga? Hmm, hindi ko alam, nakagisnan ko na kasing nagbabaga ito at walang nakakaalam kung sino ang may kasalanan sa bagay na ito. Pero alam kong nagsimula ito sa “mainit-init” pang balita na parang pandesal sa umaga.

Noong hindi pa uso ang Internet at ang telebisyon naman e bihira pang maghatid ng balita, ang diyaryo e inihahatid sa umaga kasabay ng mainit na pandesal, kaya sinasabing “mainit” ang balita na gaya ng bagong lutong tinapay. Katagalan, hindi na sapat na “panggulat” ang “mainit.” Naging parang ordinaryo na lang na mainit ang balita kaya kinailangang maging mas mainit ito, at nauso ngang tawagin itong “nagbabaga.” At ’ika nga sa Ingles: the rest is history.

Weno ngayon kung nagbabaga o hindi ang balita?

Wala lang, naisip ko lang ito dahil noong Huwebes ng gabi, hindi lang nagbabaga ang balita para sa akin; nagliliyab ito. Nagliliyab dahil tinupok ng apoy ang maraming bahay sa Navotas, kabilang ang bahay ng utol ko sa Barangay Sipac malapit sa Kalye Pitong Gatang sa tabi ng ungguyan.

Ito ang isang bagay na iniisip natin na nangyayari lamang sa “ibang tao.” Pero sa kabilang banda, “ibang tao” tayo sa ibang tao. Ito sana ang masasabi ko sa utol ko kung nagkita kami nang personal. Walang nailigtas na gamit ang pamilya niya bukod sa suot nilang damit. Pinapunta ko silang magpapamilya sa maliit kong bahay sa Bulacan para doon tumira habang nagpaplano silang magsimulang muli mula sa wala. Tumulong din ang tatlo pa naming kapatid sa kanya.

Hindi ko inabot ang utol ko sa Bulacan nang umuwi ako roon noong Sabado pero naroon ang asawa niya’t dalawang anak. Bumalik siya sa Navotas para tumulong sa mga nasunugan. Aktibo kasi siya sa komunidad nila at kailangan nilang makipag-usap sa mga opisyal ng munisipyo para sa mga bagay-bagay gaya ng mga pangangailangan ng mga pamilyang nakatira ngayon sa mga paaralan at sports complex ng munisipyo. Oo, ganun karami ang nasunugan, tatlong kanlungan ang kailangan para meron silang tuluyan. Sabi sa “nagbabagang” balita, 3,500 pamilya ang nawalan ng bahay. Kung may anim katao sa isang pamilya, 21,000 katao na agad ’yun. At manlulumo ka kung maririnig mo ang mga kwento ng marami sa kanila.

At gaya ng karaniwang “nagbabagang” balita, napag-uusapan lamang sila kapag panahon at katatapos lang ng sunog. Tuluyan na silang nakakalimutan at unti-unting pinababayaan habang tumatagal.

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply