Bebe Gandanghari nawawala!

HINDI lumalabas ngayon si Bebe Gandanghari, kaya marami ang naghahanap sa kanya.  Nitong huli kasi ay wala namang masyadong proyekto sa telebisyon at pelikula ang kapatid ni Robin Padilla, kaya hindi masyadong naglalalabas.  Pero marami na nga ang naghahanap sa kanya ngayon, pero hindi nga raw makontak, kaya hinihinalang wala raw sa Pilipinas.

Napapagtuunan kasi siya ng pansin, dahil mayroong talkshow ngayon sa GMA-7 sina Carmina Villaroel at Zoren Legaspi, kung saan isa siya sa mga inaabangan para mag-guest.

Nanggaling na rin mismo sa bibig nina Carmina at Zoren na gusto rin nilang mainterbyu bilang guest si Bebe, at marami ang natutuwa kung iyon ay mangyayari sa programa nina Mina at Zoren.  Pero siyempre, ang unang tanong d’yan, ay kung game na ba si Bebe na makaharap ang karelasyon ni Legaspi na nagkaroon ng malalim na kaugnayan sa kanyang buhay nu’ng siya pa si Rustom Padilla?

Dapat lumantad na si Bebe.  Mayroon na kasing kontrobersiyang pinag-uusapan ngayon tungkol sa kanya sa apat na sulok ng showbiz.  Baka raw kasi kaya wala ngayon sa Pilipinas si Miss Gandanghari ay dumadaan na siya ngayon sa proseso ng pagpapa-sex transplant.  Kailangan pa raw ba talagang gawin iyon ng kapatid ni Robin?  Pero marami rin naman ang umuunawa, na baka iyon ang ikaliligaya ni Bebe, dahil gusto talaga nilang maramdaman na sa loob at labas ng kanyang kaanyuan, ay babaing-babae na talaga siya.  Kaya hintayin na lang natin ang kanyang muling paglantad.

Buhay ni Cesar Montano, parang pelikula

Parang pelikula ang takbo ng kuwento ng buhay ni Cesar Montano. Masalimuot at kontrobersiyal ang lovelife niya, dahil napakarami niyang pinagdaanang mga pakikipagrelasyon.  Napakaganda rin ng naging takbo ng kanyang movie career, kung saan nagsimula siya sa pagsisikap para patunayan ang kanyang sarili, pero narating niya ang tagumpay, na maging sikat na action star at ngayon ay nakakapagdirek na ng pelikula.

Nitong huli, mayroon ding parang lalim ng hiwaga ang kuwento ng buhay ni Cesar.  Ang mga mata kasi ng yumao niyang anak na si Angelo ay napunta sa isang babae, si Mrs. Gaston. Nawalan daw dati ng paningin ang nasabing ginang, at ngayon ay muli nang nakakakita.

“Masaya ako kung makikita ko si Mrs. Gaston, dahil ngayong nasa kanya ang mga mata ng anak ko, ay nasasabik ako na matitigan niya ako, dahil mata iyon ng anak ko,” wika ng husband ni Sunshine Cruz.

Ganu’n naman talaga ang pakiramdam ng mga magulang na nagmamahal sa kanilang anak, lalo na kung iyon ay hindi na nila nakakasama.  Kaya nga, tamang-tama ang naging desisyon ng dating magaling na aktres na si Theresa Loyzaga, na ang kanilang naging anak ni Cesar na si Diego ay ipahiram muna kay Buboy para makasama nito.  Binatilyo na si Diego na napakaguwapo, pero ayaw pa muna ng kanyang daddy na pag-artistahin hangga’t hindi pa nakakatapos ng pag-aral.

Sa pagpanaw ni Angelo ay si Diego ang nakaka-bonding ngayon ng magaling na actor sa mga oras na sumasagi pa rin sa kanyang alaala ang yumao niyang anak.  Melchor M. Bautista

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply