‘Ber’ months: Naging kalasag ni Gloria sa kudeta

BIGLANG lumamig ang simoy ng hangin sa pagsisimula sa araw na ito ng tinatawag na Ber months.

Tinatawag na Ber months ang mga buwan ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre at Disyembra.
Pero ang pagpapailanlang ng mga pamaskong awit sa mga radyo at telebisyon at pagsalubong dito ng mga diyaryo ang makabuluhan sa mga buwan na ito.

Nagbabago pati ang klima ng katawan, utak at damdamin ni Juan.

Lumalamig na nga ang panahon mula sa Setyembre, lumalamig pa ang kanyang ulo sa mga awayan.

Nagsisimulang manaig kay Juan ang diwa ng Pasko na araw ng pagsasaya, pakikipagkapwa, pagbibigay at pagpapatawad ng mga kasalanan at hindi yang makipagbasagan ng ulo at manira sa kapwa.

oOo

Ngayon maalaala ba ninyo ang nakaraang siyam na taong pag-upo sa puwesto ni Gloripie?

Op kors naman dahil parang kahapon lang naganap iyon.

Kung bakit natin tinatanong, eh, dahil sa tinatawag na ber months.

Sa pakiramdam natin, itong ber months ang siyang naging tagapagligtas ni Gloripie mula sa ilang kudeta at kasong impeachment na pansibak sana sa kanya sa puwesto.

Tingnan ninyo, Suki, naganap ang Oakwood mutiny noong Hulyo 27 2003 at noong Hulyo 2006, may isinampang kasong impitsmen laban sa kanya.

Inabutan ng lamig ng panahon at simoy ng hanging pampasko ang mga ito.

Eh umiiral ang espiritu ng pagpapatawad bilang isang mahalagang diwa ng Pasko.

Lalong hindi kinagat ng mapagpatawad at ubod ng pasensiyang si Juan ang mga sumunod na kudeta nina Senador Tony Trillanes noong Nobyembre 29, 2007 at kasong impitsmen noong Oktubre 2008.

Kung bakit naman ayaw sa awayan si Juan kung andiyan at nagpaparamdam na ang krismas.

Siguro dapat na mag-tenk yu si Gloripie sa ber months at inabot niya pa ang halalan na doon nakitang pinagdodospordos ni Juan ang kanyang mga alipores.

oOo

Pero pagkatapos ng Pasko, umiinit ang ulo ni Juan.

Tingnan ninyo, pinalayas niya si Manong Ferdie noong Pebrero 22-26 1986.

Kumulo ang dugo ni Juan sa kawalan ng kalayaan sa martial law; pamamaslang at pagkawala ng libo-ibo; at pagpapayaman at pang-aabuso sa puwesto ng martial law boys.

Noong Enero 18-19, kumaway si Erap sa media at suporters niya habang patawid siya sa Ilog Pasig palabas ng Malakanyang sa Edsa 2.
Hindi nagustuhan ni Juan ang mga balitang grabeng korapsyon noon kahit na todo-denay sila hanggang ngayon.

Ang ber months talaga ay mahiwaga sa kaluluwa ni Juan. Paano kaya panghawakan ang mga ito  laban sa mga kalamidad, hostage-taking at iba pa?

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply