Bold na pelikula ni Paolo Paraiso, ipapalabas na

NANG ipahayag ni Joy Kialkial, ang isa sa mga production staff ng Titus Brandsma 6th Pinoy Indie Film Festival, na ang closing film ng okasyon ay ang “Halik sa Tubig” ng kontrobersyal na direktor na si Bong Ramos, bigla kaming nagulat.

Ano, ang isang seksi at hubarang pelikula na tulad ng “Halik sa Tubig” ay nakapasa sa panlasa ng mga pari at madre para mapanood ng madlang pipol?

“Yes, wala pong problema ro’n,” pahayag ni Joy.

Ang tinutukoy ni Kialkial ay ang obrang pinagbibidahan ni Paolo Paraiso na hubo’t hubad ang aktor at klik na klik sa mga manonood ng 6th Cinemalaya Independent Film Festival sa Cultural Center of the Philippines kamakailan.

Pinilahan sa CCP ang pelikula ni Bong dahil ang daming mga bading na naghintay kahit alas onse y medya ng gabi ng iskedyul ng pelikula.

***

Sa Sabado, manonood ang mga pari at madre, kasama ang mga intresadong publiko, ng isang bold na pelikula.

“Maganda po ang pelikula. Kasi, may folkloric value po siya,” katwiran ni Kialkial.

Kahit na si Fr. Toots Buenafe ay nagsabing kahit hindi pa niya natapos panoorin ang pelikula ay nagandahan na siya sa paksa at pamamaraan ng kanyang kaibigang direktor.

Nananabik si Fr. Buenafe kung hindi man, inirerekomenda niya ang mapangahas na obra ni Bong. “Napakasa sa aming standard ang pelikula,” sabi ni Father.

***

Isang Carmelite priest si Buenafe at siyang utak sa likod ng Titus Brandsma 6th Pinoy Indie Film Festival.

At sino at ano naman ang Titus Brandsma?

Tatak ba ito ng damit o briefs o pagkain?

Si Titus Brandsma po ay isang Dutch na pari na taga-The Netherlands na pinatay ng mga Nazi na alagad ni Adolf Hitler noong panahon ng digmaan.

Isa ring peryodista at manunulat si Brandsma kaya naman iniaalay nina Buenafe ang pestibal na ito sa kanya.

Alas otso gabi ipapalabas ang pelikula sa Titus Brandsman Center sa Acacia Street sa New Manila dahil nga maselan ang tema at ang pagkakagawa nito.

***

Samantala, patuloy pa rin ang iringan nina Gil Portes at Ramos at matatandaan na naglabas ng opisyal na pahayag ang Cinemalaya Foundation na nagpapawalang-saysay sa reklamo ni Bong na kinopya ni Portes ang orihinal na iskrip ni Ramos na “Biyaheng Norte” para sa “Two Funerals.”

Sa liham ni Gil, sinabi niyang ayaw na niyang banggitin ang pangalan ng line producer na kasama ni Bong sa pagsisimula ng alingasngas na plinagirized ng beteranong direktor ang kuwento at akda ni Ramos dahil baka sumikat pa anya ito.

Ayon kay Bong, ang iniika ni Portes na line producer ay si Dennis Evangelista na siyang line producer ng “Sigwa” ni Joel Lamangan.

Sinabi ni Ramos na pinaninindigan niya ang kanyang mga sinabi laban kay Gil.

***

Samantala, manonood ni Bong ng mga pelikula na kalahok sa 6th Titus Brandsma Pinoy Indie Film Festival.

Kasama rin sa pestibal na ito ang showbiz documentary ng inyong lingkod na “Dumagat” na itatanghal sa ganap na alas tres ng hapon.

Katatapos lang ipalabas sa ika-2 Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival ang “Dumagat” na nagpapakita ng mga pang-aaliw na pamamaraan ng mga katutubo para maipaglaban ang kanilang mga adhika lalo na ang pakikibaka sa kasamaan ng nag-aangkin ng kanilang mga lupain o ancestral domain.

May talakayan pagkatapos ng pagpapalabas at kasama namin sa panel si Vic Tiro, ang gumawa naman ng documentary na “Indie Shooting ‘To” tungkol sa paggawa ng isang indie film.

May isang pelikula rin na ginawa sa Amerika na may pamagat na “Hasmit” na idinirek ni Joni Gutierrez.

Ang iba pang pelikulang itatanghal ay ang “Bahay-Bahayan” ni Carl Joseph Papa, “Indie Shooting ‘To” ni Vic Tiro, “Habulan” ni Eros Arbilon, “Rhose, Where Do Your Dreams Go?” ni Nawruz Paguidopon, “Ba’t Naman” (Bakit Naman)” ni Noriel Jarito at “Hindi Ko Alam Kung Ano ‘To” ni Epoy Deyto. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply