Dambuhalang suweldo ng MWSS execs ibinisto

IBUBULGAR  ngayon ng isang neophyte congresswoman sa  isang privilege speech ang labis-labis na benepisyong tinatanggap ng mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Inihayag ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera-Dy na uunahin niyang ibunyag ang napakalaking benepisyo ng bagong talagang officer-in-charge ng MWSS na si Macra A. Cruz mula noong 2008.

Ito ay batay aniya sa mga dokumentong nakalap ng kaniyang tanggapan matapos siyang humiling kay Public Works Secretary Jesus Singson na bumuo ng isang Task Force upang mangalap ng dokumento kaugnay sa napakalaking benepisyo na tinatanggap ng mga opisyal ng MWSS.

Nakasaad sa dokumentong nakalap at voucher number at petsa ang may P6 na milyong allowances ni Cruz na natanggap sa loob lamang ng tatlong taon mula 2008, 2009 hanggang  Hulyo  26, 2010.

Inihalimbawa ni Herrera-Dy ang samu’t saring tawag sa mga allowances ni Cruz at hindi pa aniya dito kabilang ang buwanang sahod gaya ng Family Week allowance na P74,684.95; at dalawang traditional Christmas bonus noong 2008 na nagkakahalaga ng P71,860 at P71,460.

Hindi binanggit ni Herrera-Dy ang pinagmulan ng dokumento sa MWSS matapos nitong ihain ang House Resolution 137 na humihiling ng paglikha sa isang special body upang siyasatin ang mga iregularidad sa MWSS .

“The documents were about the multitude of allowances that Ms. Macra Cruz benefited from in less than three years as senior official of MWSS,” ayon kay Herrera-Dy.

May kabuuang 74 na vouchers sa lahat ng tinanggap ni Cruz na mula noong 2008 hanggang 2010 ang nakasaad sa dokumento kabilang ang efficiency incentive benefit, P30,000; performance bonus, P75,474,.95; grocery incentive, P15,525,000; PX mart allowance, P20,000; corporate Christmas bonus, P98,591.10; traditional Christmas bonus, P71,860.95; year end financial assistance, P98,591; calamity economic assistance, P98,591; scholarship.allowance, P98,591; car loan, P800,000; enhanced scholarship, P98, 791.10; medical reimbursement, P25,000; privatization anniversary, P237,987 at necessary expenses na P79,840.39. Meliza Maluntag

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply