Disgrasya sa mga lansangan pag-aralan

HINDI tayo mapalagay sa  nagaganap na mga disgrasya ng mga sasakyan.

Oki lang sana kung sagian lang ang nagaganap.

Mayupian o magasgasan ka ng konti, magkamutan lang kayo ng batok, oki na.

Pero kapag ang disgrasya ay nagbubunga na ng mga katakot-tako na kamatayan at pagkabalda, diyan na tayo hindi talaga mapakali.

Sa parte kasi natin, ingat na ingat tayo sa pagmamaneho. Ingat na ingat tayo sa ating mga sasakyan upang hindi magkadiperensiya at hindi masangkot sa disgrasya.

Pero sa kabila ng ating mga pag-iingat, paano kung bigla na lang may dadaluhong sa atin o bigla na lang tayong mahulog sa bangin dahil wala sa hulog ang mga kalsada, huh?

oOo

Sunod-sunod ang mga malalagim na disgrasya sa ating mga lansangan.

Kamakailan lang ay niyanig tayo ng pagkabangga at pagkahulog sa mababaw na bangin ng isang bus sa Cebu na kinalulanan at kinamatayan ng nasa 21 estudyante sa medisina na mga Iranian.

Ilang araw lang ang nakararaan, nahulog naman sa bangin na may lalim na 100 metro ang isang bus sa Benguet na ikinamatay ng nasa 41 katao.

Kamakalawa ay ikinamatay naman ng tatlo katao, kabilang na ang isang beauty queen, sa Camarines Sur ang banggaan ng isang bus at Toyota Innova.

Kaiba pa, Suki, ang daan-daang namamatay sa lansangan na disgrasya sa mga motorsiklo,  traysikel at iba pa.

Libo ang namamatay sa loob ng isang taon na iniuulat ng mga kinauukulan dahil sa disgrasya sa mga sasakyan.

oOo

Dapat na pag-aralan nang husto ng mga kinauukulan ang mga disgrasya at hindi sapat na gagawa ang mga ito ng mga pandisiplinang aksyon sa mga sangkot na tao o kompanya.

Karaniwang idinedemanda at ibinibilanggo ang mga drayber at kinakasuhan na rin ang mga may-ari ng mga sasakyan.

Karaniwan ding ipinag-uutos kaagad ang suspensiyon ng prangkisa sa mga pampasaherong sasakyan.

Subalit hanggang saan ba talaga ang mga dapat na pag-aaral upang kahit papaano ay mapigilan o mabawasan ang mga katakot-takot na disgrasya sa daan?

Ang naiisip natin, Suki, ay ang seryosong pagsasampa ng demanda sa mga gumagawa ng mga lansangan gaya ng Department of Public Works and Highways.

Sa ibang mga bansa, idinedemanda ang mga ito at nananalo ang mga biktima saka inaayos ng gobyerno ang kanilang mga gawa.

Dapat na pansinin din ang  mga nagbebenta ng mga peke at marurupok na piyesa ng sasakyan, mga nagtatapon sa Pilipinas ng mga redyek na sasakyan sa ibang mga bansa at pag-abuso ng ahensiya ng pamahalaan ng pag-iisyu ng mga prangkisa, lisensiya at iba pa.

Ito ang mga dahilan ng mga disgrasya na mahahalaga ngunit hindi pinapansin.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply