‘This nation can be great again’—Marcos Jr.

“THIS nation can be great again.  Sa gitna ng mga kahihiyan at mga pagdarahop, tulong-tulong po tayong ibangon muli ang ating Inang Bayan.”

Ito ang mga huling kataga sa mensahe ng panauhing pandangal na si Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-114 anibersaryo ng ‘Battle of Pinaglabanan’ sa San Juan del Monte na ngayo’y lungsod ng San Juan sa Metro Manila.

Pansamantalang napatigil sa pagsasalita ang bagitong senador nang biglang mangibabaw ang masigabong palakpakan matapos na sambitin ang naturang mga kataga.  Tila natatandaan pa ng mga matatandang residente at empleyado ng lungsod ang paboritong linyang walang sawang sinasabi ni dating Pangulong Marcos Sr.

“Parang nabuhay si Apo.  Sa boses at hitsura halos magkapareho,” ayon sa ilang matatandang residente dito na sumaksi sa pagtatalumpati ng senador.  “Siya pala yung Bongbong na anak ni Makoy.”

Hindi man lahat ay nakapasok sa bakuran ng Pinaglabanan Shrine, nagkasya na lamang ang mga disiplinadong residente na manood sa labas ng gate.  Walang nagtulukan, walang sumigaw kundi tahimik na nakinig sa mensahe ng mambabatas.

Sa unang bahagi ng talumpati, binalikan nito ang kasaysayan kung paanong dumanak ang dugo ng ating mga bayani laban sa mga Espanyol sa lugar na mismong pinagdausan ng selebrasyon eksaktong labing-isang dekada.

“Paggunita sa nakaraan, inspirasyon sa kabataan.”  Ito ang tema ng pagdiriwang kasabay ang paghamon ni Sen. Marcos sa sambayanan lalo na sa mga kabataan na ituloy ang laban ng ating mga katipunero sa patuloy na digmaan laban sa kahirapan, pang-aapi sa mga ordinaryong manggagawang Pilipino at pagpapanatili sa proseso ng demokratikong pamamaraan.

“Maaaring sa pagdating ng panahonay mabura na rin sa alaala ang kabayanihan ng ating mga katipunero.  Pero tayong mga nabubuhay ngayon ay may obligasyong ituloy ang kanilang sagradong adhikain.”

“Nasa mga kamay natin ngayon kung makakamit pa ang katuparan ng kanilang mga pangarap…upang hindi masayang ang pag-aalay ng kanilang buhay alang-alang sa minamahal nating bansa.  At sa tulong nga ting dakilang lumikha…sana’y muling maging dakila ang ating Republika,” bahagi ng nasabing talumpati.

Pinangunahan ni Sen. Marcos ang pag-aalay ng bulaklak sa Pinaglabanan Shrine kasama sina San Juan City Mayor Guia Gomez, San Juan City Rep. JV Ejercito at mga opisyyal ng lungsod hanggang sa mga barangay.

Bahagi ng programa ang pagsasadula ng naganap na himagsikan sa pangunguna ng mga mag-aaral mula sa Pinaglabanan Eleme. School at San Juan City National High School.

Pinaglabanan Shrine

Sa limang ektaryang lupain na ito itinayo ang makasaysayang Museo ng Katipunan sa loob ng Dambana ng Pinaglabanan.  Ito ay nagpapaalala sa unang himagsikang naganap sa pagitan ng mga katipunero at mga Espanyol noong Agosto 30, 1896 na naging tradisyon nang gunitain  sa tuwing sasapit ang petsang ito.

Makikita dito ang statwa ng isang babaerng nakapaa na suportado ng dalawang bata, may hawak na bolo.  Inilalarawan nito ang unang pag-atake ng mga Pilipino laban sa Espanya sa isang bodega sa naturang lugar.  Makikita rin ang statwa bilang ‘town seal’.

Bukas ang shrine mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Linggo sa mga nagnanais na masilayan ang makasaysayang lugar.  Libre ang pagpasok dito.

Sa lugar na ito rin nakatakdang itayo ang bagong gusali ng pamahalaan ng San Juan City sa pangunguna ng dating Mayor JV Ejercito ngayo’y kongresman na.

Ayon kay Alex delos Santos, residente at opiyal ng Barangay Ermitanyo, pinamugaran ng mga barung-barong ang malawak na lugar na ito at naging tambakan ng mababahong basura.  “Buti na lang naisipan ni Mayor JV na i-convert itong lugar into historical place.”

Talumpati ni Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos sa 114th anibersaryo ng ‘Battle of Pinaglabanan’

Sa ngalan ng aking pamilya, ipinaaabot ko po ang malugod na pagbati sa inyong lahat sa matagumpay na pagdiriwang  sa “Araw ng Pinaglabanan”

Eksaktong labing isang (11)  dekada at apat na taong singkad na ang nakararaan (agosto 30, 1896) nang   unang dumanak ang dugo ng ating mga  bayani sa lugar  na ito na tinatawag noon na   San Juan Del Monte.

Pinangunahan nina  Gat Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang pagsalakay sa Garison ng  mga Espanyol   bandang alas-kuwatro ng madaling araw kaya’t nadilig ng dugo ang lansangan nang suminag  ang haring  araw  noong agosto 30, 1896 sa San Juan Del Monte.

Napatay ng mga katipunero ang kumander ng mga guwardiya sibil pero nang dumating ang reinforcements ay  napuwersang  umatras din ang mga makabayan.

Nasukol  ang mga anak-pawis  sa tabi ng ilog sa Sta mesa.  Nagsilangoy ang ilang  katipunero upang makaiwas pero nagbabantay sa  Pampang ng ilog ang mga guwardiya sibil.  Ang ilan ay sumakay sa bangka pero hinabol  sila ng mga gunboats at ang nakasampa sa lupa ay inabutan ng mga nakakabayong kalaban.

Nang mapawi ang alikabok,  isangdaan at limampu’t tatlo (153) katipunero ang nagbuwis ng buhay at animnaput’apat (64) ang nabihag
pero kinabukasan.

Inihilera  silang lahat  sa firing squad sa luneta upang maging mga unang martir sa bagumbayan. Malagim ang sinapit ng  mga katipunero sa battle of pinaglabanan….Nasundan pa ito ng maraming sagupaan…. Pero nagbinhi ito ng  hindi matatawaran pag-ibig sa inang bayan ….at  nagsilbing inspirasyon upang makatikim ng kalayaan ang ating republika.

Ang demokrasyang ating tinatamasa ngayon ay pinaglihi sa dugo at pawis ng ating mga ninuno. Dapat nating ingatan ito sa pamamagitan ng pagbibigay proteksiyon sa kalayaan at  pantay-pantay  pagtrato  sa mga mamamayan.

Sa ngayon,… nahaharap pa rin tayo sa walang katapusang digmaan—sa pagpapanatili ng demokratikong proseso, kalayaan mula sa kahirapan… at  impluwensiya ng mga dayuhan… upang makatikim tayo ng awtonomiya na pangasiwaan ang ating mga pamayanan… nang may kapayapaan.

Ang kalayaan ipinagkipaglaban ng mga katipunero ay inagaw din ng mga mananakop na American at Japanese forces… pero nang magsilayas ang mga ito, nagsimula naman ang walang katapusang labanan…. Kontra  sa korapsiyon, pang-aabuso sa katungkulan…., pang-aagrabiyado sa mga kapus-palad ….at pagkagapos sa tanikala ng kahirapan ng buhay.

Ilang araw lamang ang nakararaan, panibagong pagsubok sa katatagan ng ating republika ang malagim na pagtatapos ng hostage-taking sa Luneta Park  kung saan nasawi ang walong turistang tsino.

Nakikidalamhati po tayo   sa mga naulila ng mga biktima kung saan nalagay sa balag-ng-alanganin ang repustasyon at dignidad ng ating
bansa sa mata ng  daigdig.

Isang panibagong digmaan ito na dapat nating sama-samang resolbahin upang maipreserba natin ang katatagan ng ating republikang minana natin sa ating mga bayani.

Hindi kailanman natatapos  sa Battle of Pinaglabanan ang mga pagsubok at nananatiling isang malaking paghamon ang paghahandog  ng buhay ng mga katipunero.

Wala tayong maaaring dapat gawin kundi itanim ang puntod na ito ng kanilang kadakilaan ….sa loob mismo ng ating mga puso at kaluluwa….
Bilang pagpapahalaga sa walang kapintasang pagsasakripisyo ng buhay ….Pero nagluwal naman ng  isang dakilang Republika.

Maaaring sa pagdating ng panahon ay mabura na rin sa alaala ang kabayanihan ng mga katipunero…. Pero tayong mga nabubuhay ngayon ay may obligasyong  ….ituloy ang kanilang sagradong adhikain.

Nasa mga kamay natin ngayon kung makakamit  pa ang katuparan ng kanilang mga pangarap ….upang hindi masayang ang pag-aalay  ng kanilang buhay—alang-alang sa minamahal nating bansa … at sa tulong ng dakilang lumikha. Sana’y  muling maging dakila ang ating republika  at sa pag-uunawaan…., pagmamalasakit  sa kapwa… at pag-ibig sa tinubuang lupa…..magagawa natin ang paulit-ulit na sinasabi ng aking ama noong sisya’y nabubuhay pa…….. “THIS NATION CAN BE GREAT AGAIN”….sa gitna ng mga kahihiyan at pagdarahop—tulong-tulong po  tayong ibangon muli ang ating inang bayan!  Maraming salamat po. Linda Bohol

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply