Hostage crisis ‘sinakyan’ ng VACC, Migrante

NAKISAKAY na rin ang grupo ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at Migrante International sa mainit na isyu ng hostage taking makaraang manawagan sa pamahalaan na tiyaking magkakaroon ng patas, malinaw at makatarungang pagsisiyasat sa nangyaring hostage drama sa Luneta Grandstand.

Nagbuhat pa ng krus si VACC Chairman Dante Jimenez bago ang isinagawa nilang pananalangin para sa katahimikan ng kaluluwa ng mga namayapa sa naturang hostage taking habang kay Pangulong Noynoy Aquino naman umapela ang Migrante
International.

Ayon kay Gary Martinez, Chairperson ng Migrante International, kinakailangang gumawa ng masusi at malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad upang maiwasan ang lalu pang tumitinding galit ng mamamayan ng Hongkong matapos magresulta sa pagkasawi ng walo nilang kababayan ang palpak na operasyon ng pulisya sa paghawak sa sitwasyon.

Aminado si Martines na inaalam pa nila kung may katotohanan ang ulat na maraming mga overseas Filipino workers (OFWs) sa  Hongkong ang nakakaranas na ng panggigipit sa kanilang mga amo habang ang ilan ay tuluyan namang sinibak na ng kanilang employer dahil sa nangyaring insidente.

Nagpahayag ng pangamba ang Migrante na kung magpapatuloy ang galit ng mga Hongkong national sa ating bansa ay baka madamay ang mga Pinoy na nagtatrabaho, hindi lamang sa Hongkong kundi ang mga nasa mainland China.

Sa kabila nito, kumpiyansa pa rin si Martinez na magiging makatuwiran at
makatotohanan ang resulta ng isasagawang imbestigasyon, lalu na ngayong ang National Bureau of Investigation (NBI) na ang may hawak ng kaso, bukod sa malaki na rin ang kumpiyansa sa Aquino administration. Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply