Kalkalin ang kita nina Neri at ibalik sa SSS

KUNG kakalkalin ng Senado ang lahat ng kita ng mga matataas na opisyal ng Social Security System, magkano kaya ang lilitaw?

Kaugnay ito, Suki, ng natagpuan na nina Sen Frank Drilon na P127 milyong kita ng mga bosing sa SSS sa mga taong 2008-2010 sa isang kompanya lamang, Philex mines.

Muli, banggitin natin ang mga opisyal ng SSS, kasama ang kanilang mga kita sa Philex.

Heto: kumita umano si dating Chairman Romulo Neri ng 17.3M; outgoing chairman Thelmo Cunanan – P83.1M; dating chairman Corazon de la Paz-Bernardo – P20.7M; at Commissioner Sergio Ortiz-Luis Jr. – P6.3M.

Sa taong 2009-2010 lang, kumita si Neri ng P11.9M; Cunanan-P66.6M; Bernardo – P9.7M; at Luis – P4.6M.
Kita ninyo, Suki?

Paano yung kita nila sa Globe Telecom, PLDT, Union Bank, Security Bank, Metro Bank, First Philippine Holdings, Alliance Global, Ayala Corp. at iba pang higanteng kompanya?

Baka mas malaki pa ang kita nina Neri rito kung bumili at nagbenta sila ng mga sapi ng mga kompanyang ito.

Ang lalaking kompanya ang mga ito, Suki, at lahat ay kumikita kaya tiyak na may malalaking dibidendo rito ng sinomang may pag-aaring sapi rito.

Pero ang tiyak, may mga bonus at iba pang benepisyo sila katulad ng meron sila sa Philex.

oOo

Bakit natin ito pinakikialaman, huh?

Aba, walang sinomang obrero at ordinaryong employer ang papayag na makitang nabubundat sa yaman ang mga opisyal ng Social Security System samantalang sila mismo ay lumulubog sa kumunoy ng kahirapan.

Katwiran ni Neri, walang batas na nagbabawal sa kanila na ideklara ang mga kita nila na personal.

Lahat na ng nakausap kong abogado ang sabi’y walang kailigalan dito, sabi ni Neri.

Waepek kina Neri ang paliwanag ni Drilon na ipinagkatiwala lamang sa kanila ang pamamahala ng pondo ng ahensiya at ang maneydsmen na rin nito.

In epek, sabi ni Drilon, dapat na hindi inaangkin nina Neri ang kita sa pribilehiyo nila na mamili at magbenta ng sapi ng mga kompanyang doon nakasosyo ang pondo ng mga obrero at employer.

Ang kita nila, kabilang na ang kanilang mga bonus at iba pang pribilehiyo ay  dapat na  ibinabalik sa SSS, diin nina Drilon.

oOo

Ngayon, Suki, tama ba sina Neri at kung ganun ay may kahinaan ang batas na lumikha sa SSS para protektahan sina Juan sa pagiging oportunista ng mga namumuno rito?

Kung meron, dapat gumawa agad ang Kongreso ng batas para takpan ang butas ng batas.

Pero may katwiran din sina Drilon, huh!

Ang maganda, eh,  kalkalin ang mga kita nina Neri at gawan ng paraan na maibalik ang mga ito sa SSS.

Totoo namang wala silang ganyang kita kung hindi sila naitalaga na bosing ng SSS.

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply