Legal consultants dapat mag-back-to-school

PINAGSABIHAN  ng isang senador ang mga abogadong tagapayo ni Pangulong Benigno Simeon “PNoy” Aquino III na “bumalik” sa law school upang matutunan ang pamamalakad sa gobyerno at  sistema sa paglalabas ng executive order.

Ayon kay Sen. Joker Arroyo, hindi dapat na basta-basta na lamang magpapalabas ng executive order ang Palasyo sa “kapritso” nito sa paniniwalang  “dahil nasa poder na sila, gagawin nila ang gusto nilang gawin.”

Nilinaw ni Arroyo na hindi mismo si Pangulong Aquino ang kanyang binabatikos, bagkus ang kanyang mga abogadong nagpapayo sa kanya ukol sa pagpapalabas ng executive order na pumapalpak hindi lamang sa legalidad kundi sa panlasa ng mamamayan.

“Masyado silang nagmamadali. Porke’t nasa poder na sila, you have to do what they want to do. Hindi naman puwede ganun,” giit ni Arroyo.

Sa loob ng 46 araw sa panunungkulan, umabot na sa apat na executive order ang ipinalabas ni Pangulong Aquino.

Una sa mga ito ang paglikha ng Truth Commission, pangalawa ng pagbawi sa lahat ng midnight appointments, pangatlo ang pagbasura sa EO 883 na nagbibigay-karapatan sa mga abogado na awtomatikong maging career executive service officer (CESO) at pang-apat ang pagpataw ng VAT sa sinisingil na toll fees.

Pinalagan ng halos lahat ng legal luminaries ang ilan sa nabanggit na EO, partikular ang pagbubuo ng Truth Commission at pagpataw ng VAT sa toll fees na sinasabing labag sa Saligang Batas.

Kinuwestiyon din sa Supreme Court ng ilang appointees ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo ang pagbawi sa lahat ng midnight appointment.

“Sa loob ng 46 days, marami na kaagad silang lawsuit. Nakakahiya naman sila,” sabi ng senador.

Dagdag pa ni Arroyo: “Dapat iwasan. Tama ba un na ‘if you don’t agree with us, go to court’? Hindi tama, dapat iwasan nila ang lawsuits, dahan dahan lang.”

Kasabay nito, inamin ni Pangulong  Aquino  na may kaunting “kapalpakan” ang kanyang legal team  kaya’t nagkaroon ng aberya ang mga ipinalabas niyang Executive Orders (EOs)

Pero ikinatwiran ng chief executive na iyon ay dahil na rin sa tambak na problemang iniwan ng nagdaang administrasyon. Ernie Reyes

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply