‘Life’ para sa ‘torture cops’ iminungkahi

NAHAHARAP sa parusang habambuhay  na pagkabilanggo ang mga pulis na nang-torture ng isang suspek sa panghoholdap sa harap ng ilang kasamahan sa Asuncion Community Precinct alinsunod sa itinakda ng Anti-Torture Law.

Ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, pangunahing may-akda ng naturang batas, walang puwang sa lipunan ang isang pulis na katulad ng inaakusahang si Senior Insp. Joselito Binayug, hepe ng Asuncion station.

Sinabi ni Escudero na pinagtibay ang naturang batas upang matigil ang  “culture of impunity” na paulit-ulit na ginagawa ng mga awtoridad.

Ayon kay Escudero, nahaharap si Binayug sa parusang “reclusion perpetua” o habambuhay na pagkakakulong kung mapatutunayan ang ulat at mapagtitibay na namatay ang biktima.

Nauna rito, ipinag-utos  ni NCRPO Director General Leocadio Santiago Jr. ang pagsibak sa puwesto at pagdis-arma sa lahat ng mga tauhan ng nasabing presinto.

Bukod kay Binayug, may 20 tauhan rin nito ang tinanggal sa puwesto at umano’y ilalagay sa “floating status” sa ilalim ng regional headquarters ng NCRPO.

Sinabi ni Santiago na kakasuhan ng “dereliction of duty” si Binayug at sasampahan pa ng kasong kriminal ang mga mapapatunayang pulis na direktang sangkot sa naturang pagpaparusa.

Lumikha na rin ang NCRPO ng task force na binubuo ng Intelligence Group (IG), Criminal Investigation and Detection Group, MPD at Internal Affairs Service (IAS) na pamumunuan ni Chief Supt. Roberto Rongavilla na siyang tututok sa imbestigasyon.

Ang naturang aksyon ay makaraan ang ekslusibong video footage na inilabas ng ABS-CBN, na nagpapakita sa isang lalaki na tinotorture sa paghila sa ari nito gamit ang isang lubid sa loob ng istasyon ng pulisya.

Isang alyas “Emil” ang nakakuha ng ebidensya buhat sa kaibigan at ibinigay naman niya ito sa television station.   Ernie Reyes/ Gaynor Bonilla

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply