Manila’s Finest kulelat sa kagamitan

NAGMISTULANG  nagpaligsahan at nagpagandahan ng kani-kanilang mga kagamitan ang bawat miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng lahat ng distrito sa Metro Manila matapos silang ipatawag kahapon ni National Capital Region Police Office  chief Director Leocadio Santiago.

Isa-isang inilatag ng bawat miyembro ng SWAT team ng Manila ,Quezon City, Eastern, Northern, Southern Police District at maging ang NCRPO ang kanilang mga kagamitan, kabilang ang matataas na uri ng armas, bullet proof vest,  ladder, sniper rifle  at iba pang kagamitan sa harap ni Director Santiago upang masuri kung ano ang mga kakulangang gamit ng bawat distrito.

Lumabas sa pagsusuri ng NCRPO na may pinakabago at kumpletong kagamitan ang SWAT team ng Pasig City Police habang naging kalunos-lunos naman ang mga ipinakitang kakulangan ng gamit ng Manila ’s Finest na posibleng naging dahilan ng kapalpakan ng kanilang isinagawang operasyon sa nangyaring hostage taking sa Quirino Grandstand noong Agosto 23 ng umaga.

Hinangaan din ang mga makabagong gamit ng SWAT team ng Quezon City police, kabilang ang kanilang M-14 sniper rifle na may silencer at makabagong bullet proof vest.

Bukod sa Manila ’s Finest, ilang miyembro rin ng SWAT team sa ilang lungsod sa Southern at Northern area ang may kakulangan din ng mahahalagang gamit sa kabila ng napakalaking budget na inilalaan ng pamahalaan sa Philippine National Police.

Napuna rin ni Santiago ang kawalan ng night vision goggle ng lahat ng SWAT team na dumalo kahapon sa inspeksiyon na isa sa pinakamahalagang gamit ng itinuturing na elite team ng kapulisan.

Sinabi pa ni Santiago na pagsisikapan nilang makumpleto ang lahat ng mahahalagang gamit ng SWAT team ng bawat distrito at regular na pagsasailalim sa mga ito sa pagsasanay upang hindi na maulit pa ang nangyaring pagkukulang ng Manila Police SWAT team na umani ng batikos, hindi lamang  sa Hongkong national kundi sa buong mundo.  Amor Virata

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply