Manila police nadikdik sa kapalpakan sa hostage taking

DINIKDIK ng mga senador ang hanay ng Philippine National Police kaugnay sa naganap na hostage drama sa Quirino Grandstand na ikinamatay ng walong Hong Kong nationals na ikinapinsala ng bansa.

Sa isinagawang pagdinig kahapon ng pinagsamang senate committee on public order and illegal drugs na pinamumunuan ni Senador Gregorio  Honasan ng committee on public order and illegal drugs at committee on justice and human rights, nagisa nang  husto si Manila Police District P/Chief
Supt. Rodolfo Magtibay na nagsilbing ‘ground commander’ dahil sa kakulangan ng aksyon nito.

Inusisa ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada kay Magtibay kung bakit hindi nito hiningi ang tulong Special Action Force na naroon sa bisinidad ng naturang lugar na mas may sapat na kakayahan kumpara sa Special Weapons and Tactics.

Depensa ni Magtibay na nasa ground na ang SAF noon ngunit nagpasya siya na hindi magbigay ng instructions sa mga ito na tumulong sa operasyon dahil naniniwala siya sa kakayahan ng Manila-SWAT.

Subalit nag-init naman ang ulo ni Jinggoy at sinabing: “Dapat hindi ka na bumalik as MPD director kung ganyan ang mga sagot mo.”

Kahit alam na umano ni National Capital Region  chief Dir. Leocadio Santiago ang kakayahan ng SAF, ipinaubaya pa rin niya ang desisyon kay Magtibay.

Inamin din ni Magtibay na si Manila Mayor Alfredo Lim, chairman ng crisis committee ang nag-utos  para arestuhin ang kapatid ng suspek na si S/Insp. Rolando Mendoza na si SPO2 Gregorio Mendoza na nagtulak sa hostage taker  na magalit at mamaril.

Naniniwala naman si Senador Bong Revilla na posibleng nag-relax ang kapulisan dahil maaring inakala ng mga ito na hindi papatay ang hostage-taker na gaya ng ginawa ni Jun Ducat.

Ginisa rin sa nangyaring pagdinig si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo kung bakit hindi ito nakita sa gitna ng nangyaring krisis.

Sinabi ni Robredo na mas magagampanan ng kapulisan ang kanilang trabaho kung kumpleto ang equipment nila at may sapat silang pondo para rito.

Sinabi ni Director  Santiago  na nasa P100 milyon ang kailangan  ng PNP bawat taon para sa 68 personnel ng SWAT, training at pasilidad nila nang tanungin naman ni Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan kung magkano  ang kailangang pondo upang hindi na maulit ang ganitong sitwasyon.

Ayon kay Honasan, hindi kaila na may lapses sa pangyayari at hindi lang sa Pilipinas nangyayari ang kagayang trahedya subalit ang kailangan umano sa pulisya na masanay pa sa paghawak ng mga kritikal an sitwasyon.

Sinabi pa ni Honasan na isinagawa ang pagdinig in-aid of legislation at hindi upang magsisihan sa nangyaring hostage drama. Vicky Cervales

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply