Mga pulis sa MM inalerto sa anibersaryo ni Ninoy

INATASAN ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang lahat ng district director sa buong Metro Manila na bantayan ang seguridad sa kani-kanilang lugar sa darating na ika-27 anibersaryo ng pagkamatay ng bayaning si Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr., ama ng kasalukuyang pangulo ng bansa na si Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.

Ayon kay NCRPO Director Leocadio Santiago Jr., “wide alert” ang ipapatupad na sa Agosto 21, na idineklarang holiday ng Malakanyang.

Pinababantayan sa kapulisan ang buong Metro Manila sa gitna ng pag-aalburoto ng ilang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Maaaring banta umano sa kapayapaan ng pagdiriwang ang binanggit ni Rear Admiral Feliciano Angue na posibleng may maaaring may pag-aaklas na gawin ang mga opisyal ng militar na hindi natutuwa sa mga promosyon at demosyong nangyayari sa AFP.

Si Angue ay inilipat mula sa pagiging hepe ng National Capital Region Command (NCRCom) at inilipat sa mas mababang unit sa Western Mindanao.

Batay sa nakalap na impormasyon, isinasantabi ng NCRPO ang ngitngit ng ilang mga opisyal, partikular  ang mga miyembro ng PMA Class 1978 na malapit sa dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Patuloy ang ginagawang inspeksyon ni Santiago sa mga distrito partikular upang bigyang gabay ang mga miyembro ng kapulisan hinggil sa pangangailangang siguruhin ang kapayapaan ng parating na anibersaryo. Gaynor Bonilla

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply