OFW SA Hong Kong dinuraan, 2 pa sinibak

LIBO-LIBONG mamamayan ng Hong Kong ang nagsagawa ng kilos-protesta kahapon upang kondenahin ang pamahalaang Pilipinas sa pagkamatay ng walo nitong kababayan sa naganap na madugong hostage-crisis noong Lunes sa Quirino Grandstand.

Umaabot sa 50,000 katao ang dumalo sa   rally  kung saan nagtipon-tipon at nagmartsa ang mga raliyesta mula sa Victoria Park hanggang sa  Charter Garden kung saan nagtitipon ang mga Pinoy sa araw ng kanilang day-off.

Sumisigaw ng katarungan ang mga lumahok sa isinagawang kilos-protesta kasabay ng panawagan sa pamahalaang Pilipinas na magsagawa ng isang malawak, patas at hiwalay na pagsisiyasat sa insidente.

Nagkapit-bisig sa rali ang lider sa pulitika mula sa tinatawag na grupong pro-Beijing at oposisyon.

Nagsagawa rin ang mga OFW at iba pang civil society ng sariling prayer vigil sa St. John the Baptist Catholic Church bilang pakikiramay sa mga nasawi.

Sa natanggap na ulat mula militanteng Migrante International, nakilahok din sa nasabing kilos-protesta ang mga overseas Filipino worker sa nabanggit na bansa.

Ayon kay Dolores Ballapares, ng United Filipinos-Migrante sa HK, nanawagan sila sa kanilang mga amo na huwag idamay ang mga OFW sa madugong hostage-taking incident.

Aniya, nararamdaman na ng mga OFW ang galit at poot ng kanilang mga employer matapos na tumanggap ito ng ulat na dalawang OFW na ang tinanggal sa trabaho.

“Habang ang isang OFW naman ay dinuraan sa mukha ng isang HongKong national habang namamalengke,” pahayag pa ni Ballepares.

Bukod dito,  isa pang OFW ang hindi nakapunta sa nasabing bansa dahil iniurong na ng employer ang kontrata nito para magtrabaho bilang kasambahay.

Nanawagan din si Ballepares sa kapwa OFW na huwag matakot dahil hindi naman nila kasalanan ang pangyayari.

Aniya, kaisa sila sa pananaw na kapabayaan umano ng kapulisan ang madugong insidente dahil nabigo ito sa kanilang tungkulin na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga turista.

Ilan naman sa mga OFW ang nagpahayag na  maganda  ang trato sa kanya ng kanyang mga amo, pero  pati siya ay kinakabahan dahil sa mainit pa rin ang sitwasyon sa kabila ng panawagan ng Hongkong chief executive na si Donald Tsang na huminahon ang lahat at huwag idamay ang ibang Filipino sa kasalanan ng isang hostage taker.

Pinayuhan   ng Philippine Consulate ang mga Pinoy sa HK na huwag munang gumala habang hindi pa tapos ang mga  protestang itinakda ng mga residente roon kaugnay sa madugong hostage crisis.

Tiwala naman  ang Department of Tourism  na sa mga susunod na buwan ay unti-unti na ring huhupa ang galit ng mga Chinese national sa Pilipinas.

Ang pahayag ay ginawa ni Tourism Secretary Alberto Lim, kasunod nang pag-aming sa ngayon ay maraming Chinese national pa rin, lalo na ang mga turista, ang ipinagpaliban ang pagtungo sa Pilipinas dahil sa ipinalabas na pinakamataas na travel warning ng gobyerno ng Hong Kong laban sa Pilipinas.

Nilinaw ng kalihim na ang pagpapaliban sa pagtungo sa bansa ng  Chinese nationals ay hindi dahil sa peligroso ang Pilipinas kundi dahil sa kanilang galit sa sinapit ng ilan sa kanilang mga kababayan.

Kumpiyansa  si Lim na kapag tuluyan nang napawi ang galit ng mga Tsino ay maibabalik din ang sigla ng turismo sa Pilipinas.

Umaabot sa 300,000 ang mga Chinese na nagtutungo sa bansa taon-taon. Freddie Cortez/AmorVirata

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply