206 desaparecidos ipinalalabas

Bilang pakikiisa kahapon sa Pandaigdigang Araw ng  Desaparecidos, nanawagan ang samahang Hustisya (Victims of Arroyo Regime United for Justice) na kaagad nang pawalan ng mga kinauukulan ang 206 na hinihinalang kinukopkop pa rin ng mga ito.

Sinabi ni Evangeline Hernandez, convenor ng Hustisya, na hanggang ngayo’y patuloy na nagdurusa ang mga kapamilya ng mga desaparecidos dahil sa loob ng maraming panahon ay wala pa rin ni isa sa mga ito ang nabibigyan ng katarungan.

Aniya, ang 206 na nawawalang ito ay hindi pa kasama sa 1,206 na biktima ng extrajudicial killings na patuloy pa ring nadaragdagan dahil patuloy na kumikilos ang mga galamay ng Oplan Bantay Laya.

Dagdag pa niya, nito lang Agosto 27 ay nadagdagdan na naman ang bilang ng mga biktima ng extrajudicial killing makaraang isang miembro na naman ng Bayan Muna ang walang awang pinaslang sa kanilang tahanan sa Balangiga, Silangang Samar.

Sinabi pa ng Hustisya na nakadaragdag rin sa paghihirap ng kanilang mga kapamilya ang patuloy na pananahimik ni Pangulong Aquino sa usaping ito dahil sa kawalan ng malinaw na polisiya kung paano ito mabibigyan ng solusyon.

Pagdiriin pa niya, hindi malayong magpatuloy ang pagtaas ng bilang ng mga desaparecidos at mga biktima ng extrajudicial killings lalo na’t patuloy pa ring kumikilos ang mga operatiba ng Oplan Bantay Laya bilang bahagi ng anti-insurgency campaign ng pamahalaan. Jayzl Villafania Nebre

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply