Pagsasama ng LTFRB at LTO pinaboran sa Senado

PABOR si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. na pagsamahin na lang ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board at Land Transportation Office.

Ani Revilla, ang pagkakahiwalay ng dalawang ahensyang ito at ang hindi malinaw naoperasyon ang isa sa mga dahilan ng pagdami ng mga pumapasadang kolorum na bus sa EDSA.

Sa hearing ng committee on public services na pinamumunuan ni Revilla, kinuwestyon ng mga senador ang mga opisyal ng Department of Transportation and Communications, LTO at LTFRB kung bakit mahigit 50% ng mga bus na bumibiyahe ay walang prangkisa

Binigyan diin ni Revilla na ang dalawang ahensya ay parehong facilitator ng mga lisensya at prangkisa ngunit hindi malinaw kung sino ang responsable sa pagmo-monitor kung ang bus na bumibiyahe ay may franchise o wala.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi pa ni Revilla na dapat ikonsidera ng DOTC ang pagsasama ng dalawang nasabing ahensya at siguraduhin na isa sa kanilang gawain ang pag-monitor sa mga kolorum na bus at mga pampasaherong sasakyan.

Dapat din umanong bigyan ang reintegrated agency ng enforcement power upang hulihin ang mga lumalabag sa franchise regulations.

“Ang trabaho ng mga ahensyang ito ay hindi nagsisimula at natatapos sa apat na sulok ng kanilang tanggapan. Ang kanilang responsibilidad ay nagsisimula sa mga lansangan at ang kanilang main function ay siguraduhin ang kaligtasan ng mga pasahero,” anang senador.

Idinagdag pa niya na ang pagkakaroon ng kolorum bus ay nagbabadya ng panganib sa publiko.
Inihalimbawa nito ang Eso Nice bus na nahulog sa 150 talampakan taas na bangin sa Sablan, Benguet kung saan 41 pasahero ang namatay.

Sinabi nito na nakabiyahe ang bus nang walang road worthiness certificate.

Kinuwestyon pa ni Revilla kung paano nakapagbibiyahe ang nasabing bus kung kulang ito sa requirement para makakuha ng franchise.

Ang kawalan ng koordinasyon at pagiging maluwag ng dalawang ahensyang ito ay nagresulta sa sobrang bilang  ng bus sa EDSA na siyang dahilan ng pagsisikip ng trapiko.

Sinang-ayunan din ni Revilla ang mungkahi ni Senador Sergio Osmena III sa mga bus operator at owner na alisin ang boundary system at paswelduhin nang tama ang mga driver.

“Tumitigil at nag-ooverstay sa maraming lugar ang mga bus driver upang makakuha ng maraming pasahero dahil nakadepende ang kanilang sweldo sa dami ng pasaherong makukuha nila. Ang sistemang ito ang siya ring dahilan kung bakit nagsisikip ang traffic sa mga lansangan,” diin ni Revilla. Vicky Cervales

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply