Palasyo: Hostage-taking maling paraan

KUNG ibig ni dating Senior Insp. Rolando Mendoza na maibalik sa tungkulin, mali ang napili niyang paraan — ang pagho-hostage ng isang bus ng mga turista — upang makamit ito, ayon sa Malakanyang.

Sinabi ni Secretary Herminio “Sonny” Coloma ng Communications Group ng Palasyo na hindi maaaring baliin ang batas sa pamamagitan ng pananakot sa pamahalaan.

Sinibak ng Office of the Ombudsman si Mendoza nang umano’y kikilan ng mga tauhan niyang pulis ang isang chef ng Mandarin Hotel, na umano’y lumabag sa isang parking regulation.

Gayundin ay tinaniman umano ang biktima ng shabu upang masampahan ng kasong possession of illegal drugs.

Tiwala umano ang Palasyo sa kakayahan ng lokal na pamahalaan ng Maynila, sa pangunguna ni Mayor Alfredo Lim, at Manila Police District Command (MPDC) na maresolba ang hostage-taking sa Quirino Grandstand sa Rizal Park, Maynila.

“Let law enforcement agencies do their work with the lives and safety of the people involved as their primary consideration,” ang pahayag ni Coloma.

Sinabi ni Secretary Ricky Carandang ng Communications Group na walang kautusang nanggagaling mula sa Malakanyang bilang pagresponde sa nasabing hostage-taking.

Aniya, mas mainam nang dumistansya ang Palasyo sa insidente upang hindi na lumala ang sitwasyon.

“No marching order yet. Baka lalong tumapang kapag narinig na nakialam na ang Malakanyang. We’re monitoring it closely. We hope it can be resolved peacefully,” ani Carandang.

Bagama’t sinabi ni Coloma na “isolated incident” ang hostage-taking at hindi umano ito makababawas sa bilang ng mga turistang pumapasyal sa bansa, may dalawang senador ang hindi sumasang-ayon.

Nagpahayag ng pagkabahala si Sen. Loren Legarda sa masamang epekto ng insidente sa industriya ng turismo sa bansa dahil mga turistang taga-Hong Kong ang mga na-hostage.

“Makakasira sa imahen ng bansa, partikular sa industriya ng turismo, ang hostage-taking dahil isang bus ng turista ang ginawa n’yang hostage,” giit ni Legarda.

Gayundin ang pangamba ni Sen. Manuel “Lito” Lapid, chairman ng Senate committee on tourism. Aniya, posible umanong malaki ang epekto nito sa industriya ng turismo na unti-unti na sanang umuusad dulot ng magandang imahen ng administrasyon.

Sa Senado, sinabi ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan kailangang maibestigahan ang sunod-sunod na “kapalpakan” ng kapulisan, na ang pinakahuli ay ang hostage-taking .

Kinuwestiyon naman ni Sen. Francis “Chiz” Escudero kung bakit may dalang M-156 assault ripple ang suspek na dating pulis.

“Why does he still have one? “ tanong Escudero, chairman ng Senate committee on national defense.  Kris Jose at Ernie Reyes

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply