Produ na nagbayad ng tsekeng talbog kay Lea Salonga, muling inireklamo

PATULOY na dumarami ang mga nagrereklamo sa prodyuser at may-ari ng Center for Arts Foundation na si Jerome Vinarao na siya ring nagbayad ng talbog na tseke kay Lea Salonga kamakailan.

Matatandaan na P200,000.00 ang halagang tumalbog sa tsekeng ibinayad kay Lea.

Ngayon naman ay isang munting aktor na nagngangalang Deo Buenafe ang dumudulog sa mga peryodistang pampelikula para ipahayag ang kanyang hinaing laban kay Jerome.

Ayon kay Deo, may utang sa kanya si Vinarao na umaabot sa P500,000.00.

“Nagsimula ‘yan nang hiniraman ng kapatid ni Jerome ng pera ang anak ko na si Mios Angela. Kasi, may sakit daw si Blanche na kapatid nina Jerome at Joanna at nasa ospital, kailangan ang pera.

“Ang anak ko naman, dahil kaibigan ni Joanna, nagpahiram. Initially, P4,000 ang napahiram pero madalas nang mangyari kaya umabot na sa thousand folds,” pahayag ni Buenafe.

***

Ang nakalaki ani Deo ng utang sa kanya ni Jerome ay nang garantiyahan niya ang kotseng kinuha ni Vinarao sa isang car company. “Na-pull out ang Revo ni Jerome kaya pinahiram namin siya ng mga P500,000 pero hanggang ngayon ay hindi pa niya nababayaran. Pangako siya nang pangako na babayaran niya pero wala rin,” nagngingitngit na pahayag ni Buenafe.

Ayon sa aktor, nagkita pa sila ni Jerome sa isang coffee shop sa SM North EDSA para pumirma ng promissory note ang prodyuser noong isang tao.

“Nangako siya sa akin na babayaran niya ako noong December 8, 2009 pero hanggang ngayon, wala pa rin. Nang magpunta ako sa kanila para maningil, ako pa ang kinasuhan niya. Ano ba ‘yon?” tanong na marubdob ni Deo.

***

Nagkakilala sina Buenafe at Vinarao nang magpatala ang una bilang estudyante sa paaralan ng huli.

Pati na ang dalawang anak ni Deo ay isinama niya sa CAF at naging mag-aaral ng pagkanta, pagsayaw at pag-arte sa ilalim ng pagtuturo ni Jerome.

“Marami pa kaming nagrereklamo kay Jerome kaya lang ay ‘yong iba, hindi na makasama sa amin dahil abala rin sa kani-kanilang trabaho. Pero ako, desidido akong ipaglaban ang kaso ko.

“Nasa showbiz din naman ako. Matagal na akong nag-aartista pero on the side lang. Kasama ako sa ilang Star Cinema films at nakalabas na ako noon sa TV show ni Helen Vela kasama si Vivian Foz.

“Ang anak ko, nagtatrabaho sa ABS-CBN at mabuti at inaalagaan siya ni Direk Olivia Lamasan. Kaya itutuloy ko itong kaso kong ito laban kay Jerome. Dapat, magbayad na siya at kailangang turuan siya ng leksyon,” wika ni Deo.

***
Samantala, itinanggi ni Vinarao na siya ay may utang kay Buenafe. “Hindi naman ako ang may utang no’n kundi ang kapatid ko. Sinagot ko lang ang kapatid ko kaya ako ang napuntirya. Kasi, ako naman talaga ang hahabulin nila dahil Jerome Vinarao ako.

“Pero wala akong kinalaman sa pinagsasasabi nila. Nananahimik ako rito pero sila ang naglalabas ng mga kasinungalingan. Nakakatawa na sila. Ayaw ko na silang patulan,” pahayag ni Jerome.

Anya, kung alam lang namin ang puno’t dulo ng lahat ng mga akusasyon laban sa kanya ay matatahimik na ang mga kinauukulan.

“Kung alam mo lang ang puno’t dulo ng inaakusa nila, makikita mong, ikaw ang gagamitin nila para pagtakpan ang mga kasinungalingan nila.

“Pinalalaki na lang nila ang isyu dahil di nila matanggap na nagkamali sila sa mga ginawa nila. Anumang hawak nila, puro di totoo. Isipin mo na lang, sa tinagal-tagal ng panahon, bakit ngayon sila nagkaganyan? Bakit di nila ako ihabla? Kasi di totoo. Lahat ng pinagsama-sama nilang efforts to put us down will not succeed because the truth is on our side.

“Boy, I respect you and I know you stand by truth. Please do not be swayed by these people. Di man ako nagsasalita masyado, di nangangahulugang umiiwas ako. Tinitiyak ko sa’yo, ang mga akusasyon nila, lahat puro kasinungalingan. The courts will attest to it,” pahayag ni Jerome sa kanyang mga mensahe sa text. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply