Pulis sa kasong ‘torture’ binisto ng mga senador

PERSONAL  na tinukoy sa Senado ng isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na si Sr/ Insp. Joselito Binayug ang itinuturong “torture cop” ng Asuncion Police Community Precinct na siyang nagmalupit sa isang suspek kamakailan.

Natuklasan ito sa isang pagdinig ng Senate committee on public order and illegal drugs na pinamumunuan ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan hinggil sa sunod-sunod na kapalpakan ng pulisya sa mga nakaraang araw, pinakahuli ang madugong hostage crisis sa Luneta.

Sa pagtatanong ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada, inamin ni Chief Supt. Roberto Rongavilla ng Camp Crame na walang ibang tinutukoy ang mga kaanak ng biktima at testigo sa pagmamalupit sa suspek kundi si Binayug.

“According to the witness who is the wife and the other witnesses that was produced, they identified the suspect to be Police Senior Insp. Binayug.,” ayon kay Rongavilla.

Pero mahigpit na pinabulaanan ni Binayug ang paratang ni Rongavilla sa kabila ng mga nakuha at nakalap na testimonya ng pulisya mula sa kaanak ng biktima at testigo sa aktuwal na pangyayari ng pagmamalupit ng naturang opisyal sa isang suspek ng pagnanakaw.

“Good morning, your Honor, it is not me, your Honor,” tugon ni Binayug sa tanong ni Estrada na “ikaw ba ang nag-torture doon sa biktima?”

Sinalungat naman ni Rongavilla ang naturang testimonya ni Binayug, bagkus idiniin pa niya ang naturang opisyal na siyang nagmalupit sa isang suspek na nasa kanilang kustodiya base umano sa mga testimonya ng kaanak at testigo.

“As far as the investigation on who was that person torturing, it has been answered by the wife of the victim and the witness that was produced,” ayon kay Rongavilla. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply