Retirement age sa AFP, PNP magiging 60 anyos

IMBES na 65 anyos ayon sa panukala ni Sen. Antonio Trillanes IV, mas pabor si Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto sa 60 anyos bilang retirement age ng mga nanunungkulan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Sotto, hindi dapat patagalin ang pagsisilbi ng mga sundalo at pulis.

Aniya, masyadong matagal ang 65 anyos dahil dapat silang bigyan ng pagkakataong makapaglibang sa nalalabing panahon sa kanilang buhay.

“Kung papayagan natin na maging 65 taong gulang ang retirement age ng ating sundalo at pulis, uugod-ugod na sila bago pa nila malasap ang sarap ng buhay,” ayon sa senador.

Sinabi ni Sotto na “nararapat lamang na bigyan pa natin sila ng pagkakataong makapagsaya” dahil isinugal nila ang kanilang buhay sa pagseserbisyo sa bansa.

Ipinanukala kamakailan ni Trillanes na palitan ang edad ng pagreretiro ng mga sundalo at pulisya mula sa 56 hanggang sa 65 taong gulang.

Naunang nagsagawa ng kaukulang pagdinig ang Senate committee on national defense and security, sa pamumuno ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, upang talakayin ang panukala ni Trillanes.

Ngunit ayon kay Sotto, mahirap na sa isang sundalo o pulis na nasa edad 65 anyos ang makikipaghabulan o makipagbarilan pa sa mga kriminal at mga kalaban ng gobyerno.

“Let’s be honest,” aniya, “for a soldier, the retirement age of 65 years is too old. Masakit na mga tuhod nila. I think a mandatory age of 60 would be more appropriate.”

Dagdag pa niya: “Retiring our soldiers at age 56 is too early. Malakas pa sila at that age.”

Inatasan naman ni Escudero si Defense Secretary Voltaire Gazmin at AFP chief Gen. Ricardo David na pag-aralan ang bagong panukala ni Sotto. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply