Senado atras sa hostage inquiry

NADAMAY  ang Senado sa gag order na ipinalabas ng Justice secretary Leila De Lima sa madugong hostage drama nang iatras ng Mataas na Kapulungan ang sarili nitong imbestigasyon.

Inihayag kahapon  ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan na nagkasundo ang karamihan sa miyembro ng Senate committee on public order and illegal drugs na pansamantalang itigil ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado sa madugong hostage drama.

“Hindi tayo nagre-react sa gag order, tumutulong lamang tayo na humupa ang tensiyon. May sariling imbestigasyon ang Sangay ng Ekhekutibo, kaya pinagbigyan muna na matapos iyon saka natin itutuloy ang aming pagsusuri,” wika ni Honasan.

Noong Lunes, nagpalabas ng gag order si Justice chief De Lima sa lahat ng sangkot sa isinasagawang imbestigasyon partikular ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Interior and Local Government (DILG).

Ngunit, sinalungat naman ni Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pinagkasunduan ng naturang komite na baka paghinalaan pa ng Hong Kong ang Senado na may itinatago sa likod ng madugong hostage drama na ikinamatay ng walong Hong Kong nationals.

“Naiintindihan ko kung may gag order ang executive department sa kanilang ahensiya. Pero, hindi ko maintindihan kung bakit kailangan itigil ng Senado ang sarili nitong imbestigasyon na malaki ang naitutulong upang mailantad ang katotohanan sa likod ng pangyayari, “ ayon kay Cayetano.

Sinabi naman ni Sen. Ramon “Bong” Revilla na hindi nararapat ang gag order ni De Lima dahil kailangan  mailantad nang husto ang buong katotohanan  upang hindi mapaghinalaan ang ating bansa na may itinatago.

Sinabi ni Honasan na ipagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado kapag natapos na ang sariling pagsusuri ng administrasyon sa nangyaring kapalpakan ng Manila Police Department kabilang ang City Crisis Management Committee. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply