Silipin natin ang badyet para kay Juan sa 2011

SABI ng mga pulitiko sa mga bilbord sa kanilang mga proyekto, “the taxes are working for you.”

Magandang anunsiyo ang ganito dahil kahit papaano ay may palatandaan na may pinupuntahan ang buwis ni Juan. Pero hanggang saan talaga ang pakinabang ni Juan sa kanyang mga buwis?

Dito natin silipin kung saan-saan at kani-kanino pumupunta ang ating mga buwis.
Por eksampol ang buwis para sa taong 2011.

Ipinanunukala nina P-Noy na magkaroon ng pambansang badyet na nagkakahalaga ng P1.645 trilyon.

Sa kabuuan, halagang P933.5 bilyon ang nakaprogramang gastusing pampahalaan samantalang halagang P711.5B ang para sa utang, kasama na ang  P357.1B na para sa interes dito.

Kabilang sa mga  nakaprogramang gastusin ang Internal Revenue Allotment na P286.9B; edukasyon – P207.3B; pagawaing bayan – 110.6B; pambansang depensa – P104.7B; interior at lokal na pamahalaan – P88.2B; agrikultura – P37.7B; kagalingang panlipunan o DSWD – P34.3B; kalusugan – P33.3B; komunikasyon at transportasyon – mahigit sa P32B;  repormang agraryo – P16.7B; at hukuman – P14.3B.

oOo

Kapuna-puna, Suki, ang pagbabayad ng utang na kakain ng halos kalahati ng buong badyet.

Magbabayad sina P-Noy ng utang kahit alam nilang  puno ng kalokohan ang maraming utang gaya dobleng tongpats sa ZTE-NBN deal at oberprays sa mga proyektong pinopondohan ng mga utang.

Sa pagkakaalam natin, tila walang intensyon ang pamahalaan na halungkatin ang lahat ng mga utang na may umaalingasaw na baho upang makabawi man lang sana si Juan sa mga ipinagbubulsa ng mga halang ang kaluluwa.

Napakalalaki rin ang badyet sa edukasyon at pablik works na notoryus sa korapsyon.

Hindi nakapagtatakang pinag-aagawan ang posisyong pinakamataas dito.

Kung sisipatin ang pinagsamang badyet ng sundalo (depensa) at pulis (DILG), klaro na mas mahalaga ang bala at baril kaysa lupa para sa magsasaka, gamot para sa mga maysakit at pagkain ng 90 milyong lahi ni Juan.

Mahigit sa P215B ang para sa bala at baril samantalang nasa P122B lang ang para sa pagkain, gamot, abuloy ng DSWD at lupa.

oOo

Nasaan nga pala ang klarong pondo para sa tagapangasiwa ng kalamidad?

Limang porsiyento umano ang para sa kalamidad pero laging gutom, ginaw, sakit at kapabayaan ang sinasapit  ng mga biktima.

Ispesyal na usapin ang kalamidad dahil na rin sa laki ng halaga ng mga ari-arian na nasisira, puwera pa ang mga buhay na nalalagot, tuwing sumasalakay ito.

Nitong nakaraang pagsalakay lamang ng Ondoy at Pepeng, tinatayang mahigit sa P200 bilyon ang halaga ng nasirang ari-arian samantalang ilang bilyon lang ang pambansang pondo para sa kalamidad.

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply