Sugat sa hostage-massacre at gag order

NAGTIPON-TIPON sa prayer rally kamakailan ang may 80,000 mamamayan sa Hong Kong kaugnay ng hostage-massacre na naganap sa mahal kong Pinas nitong nakaraang linggo.  Nagkaroon din ng hiwalay na prayer rally ang mga overseas Filipino worker doon bilang pakikiisa nila sa mga taga-Hong Kong.

Nagdaos naman ng malaking interfaith rally ang mga nasa Pinas kahapon sa mismong pinangyarihan ng malungkot na pangyayari sa Quirino Grandstand, Luneta, Manila.

Kasama rito ang ilang Buddhist monks na galing pa ng Hong Kong, ilang lider ng mga Filipino-Chinese sa bansa at matataas nating mga opisyal at libong kababayan.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagdarasal, wala tayong hinahangad kundi ang paghilom ng malalim na sugat sa insidente.

Kabilang sa mga naapektuhan ng pangyayari ang magandang turingan ng bawat isa at nagkaroon pa nga ng pagbabawal na mamasyal ang mga taga-Hong Kong sa Pinas at ang mga taga-Pinas sa Hong Kong.

Ngunit dapat na samahan  ang mga prayer rally na ito ng makatarungan at makatotohanang pagresolba sa krisis.

Ang criminal justice system natin ay hindi dapat na mahaluan ng anomang uri ng panghu-whitewash at dapat na panagutin ang mga dapat na managot.

Marami ang naniniwala na hindi lang ang pagkaburyong  ni S/Insp. Rolando Mendoza ang naging mitsa ng hostage-masaker.

May mga malalaking pagkakamali umanong mga nagawa ng mga awtoridad natin kaya nagkaroon ng bloody ending ang buong krisis.

oOo

Oo nga pala, yang gag order o pagsiper ba sa bunganga ng sinomang awtoridad maliban kay Justice Secretary Laila de Lima ang kasagutan sa hinahanap na katarungan at katotohanan sa pangyayari?

Medyo kinikilabutan tayo rito, mga Bro, lalo’t sinasabi naman ng mga taga-Hong Kong na tanging sa mga imbestigador lang sila maniniwala.

Naiintindihan natin ang punto ng pamahalaan na hindi dapat na ikumpromiso ang relasyon ng Pinas at ang Hong Kong sa pagdadaldal ng kung sino-sino sa kaso.

Pero paano ang pagkauhaw ng lahat sa bukas at malayang impormasyon at hindi kontrolado ng gobyerno upang walang halong pagdududa sa ginagawa ngayong imbestigasyon ng mga kinauukulan?

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply