ULTIMATUM: Diskarte at pasensiya, buhay pa sana sila

Ni BENNY ANTIPORDA///

DISKARTE sana ng isang magaling na negosyador ang ginamit ng ground commander bago pa nagkaletse-letse ang sitwasyon.

Una, puwede namang ibigay muna ang hiling ni Sr. Insp. Rolando Mendoza na “reinstatement” sa serbisyo bago ito arestuhin uli sa ibang kaso para masibak muli sa serbisyo.

Tanong lang po: kapalit ng 15 buhay, hindi n’yo ba maaaring ibigay ang hiling na yan?

Ang daang libong Filipino na umaasa sa industriya ng turismo sa bansa, hindi niyo rin ba maaaring pagbigyan?

Sa halip na pakalmahin ang hostage taker, mukhang lalo pang pinakulo ng mga awtoridad ang bulate ni Mendoza. Puwede namang hindi muna awayin ang kapatid nito na si SPO2 Gregorio Mendoza, ipinakita pa sa harap ng madlang pipol kung paano kaladkarin at arestuhin ito.

Sabihin na nating may kasalanan si Greg, aba’y puwede n’yo naman muna ipagpaliban yan di ba? Inuna n’yo muna sana yung kapakanan ng buhay ng mga nasa bus.

Tanungin kaya natin ang mga opisyal na kumaladkad kay Greg: kung kayo si S/Insp. Mendoza at nakikita niyong ganun ang ginawa sa inyong kapatid, hindi ba kukulo rin ang inyong mga bulate at ang pagbubuntunan niyo ng galit ay ang mga hostage?

Pasensiya! Yan ang nagkulang sa inyo! Kung nagtiis kayo ng kaunti at ibinigay n’yo ang lahat ng hiniling, wala sanang namatay.

Ano yung sinasabi n’yong si S/Insp. Mendoza ang naunang nagpaputok? Tama! Dahil nabuwisit na sa pinaggagawa niyo. Ang daming maeepal na opisyal na pumapel sa hostage taking na yan, pero karamihan ay hindi nila alam ang ginagawa nila.

Ang komentaryo nating ito ay ibinase natin sa komentaryo ng mga dayuhan, na mga taga-Hong Kong.

Ngayon ano na ang kahihinatnan ng Pinas kong mahal? Hindi ko masisisi ang Pangulong Noynoy kung ipagtatanggol niya ang kanyang kapulisan, dahil hanggang kasalukuyan ay nangangamohan pa lang siya sa PNP.

Sakaling ilaglag ni Noynoy ang kapulisan sa nangyari ay baka puro coup na naman ang abutin nito gaya ng kanyang ina. Kung kaya’t ipit din sa sitwasyon ang butihing Pangulo ng bansa.

Napakasakit ng pangyayaring ito, napaganda sana kung lahat ng biktima ay nakauwing buhay kaysa bangkay. Sa mga tumulong at sa mga nagbigay malasakit sa buhay ng mga hostage saludo po sa inyo ang ULTIMATUM.

Sa mga pumapel na hindi naman alam ang kanilang ginagawa…sana ay kayo na lang ang kinuha ni Lord, este, ng kalaban ni Lord.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply