ULTIMATUM: Masdan ang bunga ng malayang pamamahayag

Ni BENNY ANTIPORDA —

KUNG kani-kanino na lang inginunguso ng mga parak ang kanilang kapalpakan sa paghawak sa hostage-massacre crisis sa Luneta nitong nakaraang Linggo.

Kung hindi sana umano iniere ng media, lalo na ng mga telebisyon, ang naganap na pagkontrol ng mga pulis sa kapatid ni S/Insp. Rolando Mendoza na si SPO2 Gregorio Mendoza, hindi sana nagwala ang una na pinagmulan ng madugong pangyayari.

Sa isang banda, tama ang mga parak. Pero kung titingnan ng mas malawak ang sitwasyon, ang kapalpakan ng mga parak na kumontrol sa buong pangyayari ang pinagsimulan ng lahat.

Walang naging pakiusap ang mga parak sa media na gawing hinay-hinay ang pag-uulat at pag-usapan kung hanggang saan ang dapat na gawin ng media upang hindi hahantong sa di kanais-nais ang krisis.

Nagawang makipagtulungan ang media noon sa kudeta sa Manila Peninsula Hotel at tiyak na hindi ipagkakait ng media ang parehong aksyon para sana sa krisis sa Luneta.

Kaya naman nanaig sa media ang lubos na paggampan ng tungkulin lalo’t hindi lang naman ang mga interes ng mga Mendoza at biktima ang pinanghahawakan nila kundi ang interes ng bayan na magkaroon ng buong balita sa pangyayari.

With due respect sa lahat ng mga nasaktan at namatayan, tingnan ninyo, nagbunga ng mga malawakan at malalimang pag-uusap ang pangyayaring nasaksihan ng lahat.

At nagti-trigger ito ng mga pagkilos sa Kongreso para sa mga karampatang batas, sa Palasyo para sa mga karampatang aksyon, sa Ombudsman para sa karampatang katarungan at sa kapulisan para sa karamptang mga patakaran.

Dahil naging internasyonal na rin ang buom-buong pangyayari dahil sa ginawa ng media, nakakuha ito ng atensyon ng ibang mga bansa hanggang sa makarinig tayo ng mga masasama at magagandang bagay na kapupulutan nating lahat ng mga mahahalagang aral.

Ang kalayaan sa pamamamahayag, sa ibang salita, ay naging saksi sa malungkot at malagim na pangyayari at nang i-share nito sa iba ay nagbunga  ng higit na magandang mga pangyayari.

Kabilang na riyan ang pagtutuwid ng mga matitinding kamalian sa pamahalaan.
Kung bakit naman kasi na kailangan pang may dugong umagos bago magkaroon ng mga pagbabago.

oOo

Anumang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply