Walang tiwala sa Ombudsman si Rolando Mendoza

ANG daming nagbibigay ng opinyon tungkol sa nangyaring hostage taking noong isang araw. Parang maraming mas may alam kung ano ang mas tamang gawin. Para sa akin, kung pinag-tuunan lang agad ang dahilan kung bakit nagwala ng ganun ang pulis na hostage-taker, may nakaisip sana na magdala ng abogado.

Kung mismong abogado ni Senior Inspector Rolando Mendoza ang nandun baka mas naging okay pa. May nakaisip ba na tawagan man lang ang abogado ni Mendoza?  Ano ba ang hiningi ni Mendoza? Hindi ransom money, kundi atensyon sa kanyang kaso sa Ombudsman. Ang gusto nya ay ma-reinstate sa serbisyo.

Trabaho, ito ang gusto ni Mendoza.  Hindi sya pabigat sa sambayanan, isang magaling na pulis ayon na rin sa mga nakakakilala dito at maraming beses nang naparangalan dahil sa magiting na pagsisilbi sa bayan. Sa reputasyon ng ating Ombudsman, nakakalungkot na pati mga pulis na kagaya ni Mendoza ay wala nang tiwala dito.

Bilang isang pulis na may magandang rekord ng serbisyo lumalabas na hindi matanggap ni Mendoza ang marahil sa palagay nya ay hindi tamang desisyon sa kanyang kaso. Legal ang isyu ni Mendoza at dapat may legal assistance syang agad na nakuha. May nakaisip man lang sana na magdala doon ng abogado.

Isipin na lang, ang hinaing ni Mendoza ay tungkol sa kanyang kaso sa Ombudsman na marahil para sa kanya ay hindi nabigyan ng tamang hustisya.
Ngayon naghayag si Pangulong Aquino na muling patitingnan ang kaso ni Mendoza sa Ombudsman pero ano man ang mapag-alaman dito, sa aking palagay ay huli na ang lahat.

Pero may pag-asa pa para hindi na ito maulit muli.  Sa aking malawak na karanasan bilang abogado at konsehal, alam ko na kulang ang serbisyong ligal para sa ating mga kapulisan.  Napakaraming pulis ang nagkakaroon ng mga suliraning ligal pero walang abogado at hindi halos makakuha ng abogado.

Dapat may abogado sa bawat istasyon ng pulis para may magbibigay sa kanila ng ligal na gabay. Hindi madaling maunawaan at matanggap ang isang ligal na proseso kaya kailangan ang isang mapagkakatiwalaang abogado na magpapaliwanag nito. Hindi dapat mahirap sa mga pulis ang kumuha ng legal assistance, dapat ay automatic itong ibinibigay sa kanila kung may pangangailangan sila dito.

Ito ang isa sa pinakamalalaking hamon kay Pangulong Aquino na sya mismo ay biktima ng mabagal na pag-usad ng gulong ng hustisya sa bansa. Alam natin na 27 taon na mula ng patayin ang kanyang ama pero hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na desisyon ang korte sa totoong nangyari at sa kung sino ang totoong pumatay kay Ninoy.

Isipin na lang ang mga malalaking kaso na kinasasangkutan ng malalaking mga pangalan sa ating bansa na hanggang ngayon ay wala pa ring hustisyang natatanggap.

Marahil iniisip ni Mendoza ang mga kasong ito, kung ikukumpara sa kanya na ordinaryong mamamayan lan ang, siguro naisip nya na ang mang hostage ng mga banyaga ang tanging paraan para mapansin ang kanyang kaso.  Tama si Mendoza, napansin nga ang kanyang kaso, ni Pangulong Aquino mismo at napansin na rin ito ng buong mundo.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com.

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply