“By simply banning it, tapos ang problema”—Villar

KUNG political will ang kailangan para masugpo ang pamamayagpag ng jueteng, ito rin ang dapat gamitin para wakasan ang paggamit ng plastic bags na  pangunahing basura na  dahilan ng mga pagbabara ng estero at mga kanal tuwing bumabaha.

May mga pag-aaral ang Eco Waste Coalition na ang mga produktong plastic, partikular ang plastic bags ay mula sa ‘petroleum’ at ito ay non-biodegradable o hindi natutunaw.

Sa datos ng UN Environment Protection Agency, halos nasa 500 triyon ng plastic bags ang nakukunsumo sa buong mundo kada taon subali’t wala pa sa isang porsyento nito ang nare-recycle.

Magugunita na makalipas ang bagyong Ondoy at Pepeng nitong 2009, halos mga plastic bags ang nakuhang basura na nakabara sa mga kanal.

Maraming buhay ang nawala, bilyun-bilyong piso ang halaga ng pinsala mula sa inprastraktura, agrikultura, maituturing na malaking dagok sa ating ekonomiya.

Sa joint committee hearing ng Senate Committee on Trade and Industry ni Sen. Manuel Villar at Environment Committee ni Sen. Juan Miguel Zubiri, iginiit ni Villar ang 100 porsyento rekomendasyon sa pagbabawal ng paggamit ng plastik bags.

Ito ay matapos na marinig ang panig ng ilang mga imbitado mula sa non-government organizations at hindi tuluyang makumbinsi sa mga rason ng mga may-ari ng pagawaan ng plastic sa bansa.

“By simply banning it, tapos ang problema.  It can spawn other businesses,” diin ni Villar.

Iginiit ni Crispian Lao, president, Philippine Plastic Industry Association, “recycled plastic are not burned but transformed to other products.  The problem arises when these plastic bags are not recovered and when they go straight to dumpsites or waterways or bodies of water.  There are no harmful emissions because we transfer it to onother product.”

Sinabi pa nito na nagkakaroon lamang ng problema sa paggamit ng plastic bags ay yung maninipis ang pagkagawa at agad na itinatapon dahil mabilis mapunit.  Ang makakapal naman ay maaaring i-recycle ng paulit-ulit.

Kinontra din ni Lao ang pahayag ng Solid Waste Management Association of the Philippines (SWAPP) na 75 porsyento ng basura mula sa Local Government Units (LGUs).  “These plastic wastes go to recycling facilities.”

Nabatid din sa pagdinig na 7,000 lamang mula sa 42,000 barangays ang may ‘segregation and ecological waste management.”

Ayon kay Villar, sa halip na plastic ay gumamit ng recycable at environment-friendly bags sa pamimili, sa shopping malls o sa pamamalengke gaya ng mga bayong.

Naniniwala ang mambabatas na dapat suportahan ang kampanayang ito laban sa paggamit ng plastic bags dahil makatutulong ito na makatipid sa enerhiya at mga likas na yaman.  Makababawas din ito sa bulto ng basura na itinatapon sa araw-araw at himukin ang bawat mamamayan na isulong ang pangangalaga sa ating kalikasan at kapaligiran.

Inirekomenda rin ni Villar sa shopping malls, groceries at mga tindahan na i-charge o pabayaran ang bawat plastic bag na lalagyan ng pinamili at ang benta nito ay dapat na mapunta sa isang foundation.  “Baka naman kasi pagkakitaan pa nila ito.”

Tinukoy naman ni Sonia Mendoza, chairperson, Mother Earth Foundation, na ang Bangladesh ang kauna-unahang bansa na nagbawal sa pagma-manufacture at paggamit ng plastic bags noong 2002, sinundan ng South Africa, france, China at Taiwan.

“There is a need to compel manufacturers to implement a take back system for end-of-life products, particularly single-use plastic products.  Prioritize a law that aims to bans the use of plastic,’ ani Mendoza .

Kasabay nito,  nangangamba si Lao  sa posibilidad na mawalan ng trabaho ang tinatayang 175,000 na mga manggagawa ng plastic kung isusulong ang pagbabawal ng paggamit ng plastic.   Kwarenta (40) porsyento dito ay ‘plastic bag makers.”

Tiniyak naman ni Villar na bibigyan  ng alternatibong industriya ang nasabing mga manggagawa upang maresolba lamang ang problemang dulot ng plastic.

MULTA

Alinsunod sa panukala  ni Sen. Villar,  dapat na striktong ipatupad ng lahat ng  all department stores, malls, at retail establishments namay 3 o higti pang mga sangay o tanggapan sa bansa na may capital na mahigit sa P5 milyon ang paggamit ng ‘reusable and environment-friendly shopping bags.’

Matapos ang tatlong taon na ‘effectivity’ ng naturang batas,  dapat na maging pangunahing ‘requirement’ ito sa sinomang nagnanais na magparehistro na makapagtayo ng negosyo.

Magmumulta ng mahigit sa P100,000 ang mapatutunayang establisemento na lalabag sa naturang batas at pagsasawalang bisa ng lisensiya nito na makapa-operate ng kanilang negosyo.

Basura sa Laguna de Bay, kinunsinte ni Cataquiz

KINUKUWESTIYUN ng mga residente ng Southpeak sa San Pedro, Laguna kung bakit kinukunsinte ng mga local na opisyales  ang pagtatapon ng tone-toneladang basura dito gayung nalalason nito ang mismong Laguna de Bay na pinagmumulan ng kanilang kabuhayan.

Ayon sa isang residente na matagal nang naninirahan sa Southpeak, tinatayang anim na kilometro lamang ang lapit ng dumpsite sa bunganga ng Laguna de Bay.

Dumadaloy ang nakalalasong katas ng basura at iba pang polusyon sa Laguna de Bay dahil sa Tunasan River na nagsisimula sa mababang bahagi ng dumpsite.

Ang Laguna de Bay ang pangunahing lawa na pinagmumulan ng mga isdang tabang na nabibili sa Metro Manila. Higit sa 70 porsiyento ng mga isdang ibinebenta sa mga lokal na palengke ay huli mula rito.

Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng mga naninirahan sa paligid ng lawa at nanganganib na magutom ang pamilya ng marami sa mga mangingisda dahil sa pagkasira ng lawa.

“Ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) na inatasan ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) para protektahan ang Laguna de Bay ay parang nagsasawalang-kibo at hindi iniintindi ang matinding panganib na dulot nito,” anang source.

Marami sa mga resident ng Southpeak ang nagdududa  kung may kinalaman ba dito si San Pedro Mayor Calixto R. Cataquiz dahil patuloy pa rin ang operasyon ng dumpsite sa kabila ng kanilang pagtutol.

Batid na rin ng pulisya ng San Pedro ang pagkakaroon ng mga armadong guwardiya sa palibot ng dumpsite  kaya ganoon na lamang ang pangamba ng ilang grupong makakalikasan na sadyain ang lugar para pag-aralan ang tunay na sitwasyon doon.

“Totoo ang kasabihang ‘may pera sa basura.’ Pero ang hindi naiisip ng mga taong nagkakamal ng milyon-milyong tongpats  na  maaaring magkaroon ng malalaking problema sa kalusugan at kalikasan ang mamamayan ng San Pedro,” ayon sa isang konsehal na tumangging magpakilala. Linda Bohol

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply