“Para magklik ang ‘Cats’, kailangan ang isang tulad ni Lea”–Gerald Salonga

Nagrereklamo ang mga musikerong klasikal o ang mga tumutugtog at lumilikha ng mga klasikong tunog dahil sa wala anilang pumapasok na mga sponsor sa kanila na marami at madalas ay kakaunti ang nanonood.

Ito ang pangkalahatang reklamo ng mga konduktor at pinuno ng mga orchestra sa Pilipinas na kasali sa idaraos na 1st National Orchestra Festival sa Tanghalang Nicanor Abelardo (Main Theater) ng Cultural Center of the Philippines.

“Sana naman, ‘yong mga classical musician na may concert ay panoorin ng kapwa nila musician at huwag nang umasa sa complimentary ticket,” pahayag ng konduktora ng UP Orchestra.

“Mas marami pang nanonood ng mga pop concert kaysa mga sariling atin,” sabi naman ng isang taga-kumpas sa isang orkestra.

***
Kaya naniniwala si Gerald Salonga, ang conductor na kapatid ni Lea Salonga, na kailangang may kasamang isa, dalawa o higit pang popular na musikero ang isang pagtatanghal para makahakot ng mga tagapanood.

“Kahit na classical ang isang show, puwede ring pasukin lalo na pag may kasama na kontrobersyal o may ibang dating. Tulad na lang ng conductor na si Gustav na naka-spike ang buhok at jeprox.

“’Yong gano’n, nakaka-attract siya. Maraming magkaka-interest kaya kailangan isipan ng pakulo ang mga classical performance para tauhin. Maraming paraan at kailangang ma-explore,” pahayag ni Gerald na siyang namamahala ng FILHarmonika na batambatang orchestra.

Ayon kay Raul Sunico, ang deputy head ng Cultural Center of the Philippines, ang FILHarmonika ang pinakamayamang orchestra sa buong Pilipinas.

***

Idiniin ni Gerald na bakit naging intresado ang mga Filipino sa “Cats” na katatanghal lang sa CCP.

“Kasi, kahit na anong ganda o galing pa sa Broadway ang isang play, kailangan din na may makikitang iba, ‘yong makakahatak ng atensyon ng mga tagapanood.

“’Yong ‘Cats,’ kailangan pang ilagay ang pangalan ni Lea Salonga para mas makahatak pa ng manonood. Nakakadagdag ‘yon para makahatak ng viewers. Kailangang may pakulo na hindi nawawala ang classical flavor,” eksplanasyon ng lalaking Salonga na kasama sa pestibal sa ika-21 ng Setyembre.

***
Nasa Amerika pa ani Gerald si Lea pero pag dumating nang maaga ay puwedeng manood ng kanilang pabonggahan at pasosyalan ng pagtugtog sa orkestra.

Sa Nobyembre pa anya sila magkakasama ng kanyang kapatid sa isang show at pinaghahandaan na nila ito.

“Rumaraket pa si Ate sa States. Pag nandito ‘yon, gusto no’ng manood ng mga concert,” sabi ni Gerald na isang mahusay at bating na baton.

***
Pinagpipilian sina Ria Garcia, ang katambal ni Jason Abalos bilang image model ng Cotton Club at Marra Yokohama, ang anak ni Maria Isabel Lopez para sa isang natatanging pagganap at papel sa bagong pelikula ng magaling na direktor na si Richard Somes.

Isang horror film ito at nagtatagisan sina Ria at Marra.

Panay ang dasal ni Puloy Cadayona at ni Maria Isabel na mapili ang kani-kanilang anak dahil madalang lang na tsansa ito para makasama sa obra ni Richard na siyang gumawa ng premyadong pelikulang “Yanggaw” nina Tecthie Agbayani at Ronnie Lazaro.

***

Nagdiwang si Amy Perez ng kanyang ika-kung-ilang taong kaarawan sa kanyang umaani ng tagumpay na TV show na “Face-to-Face” sa TV5.

Madamdamin ang pagdiriwang dahil ang mga kaibigan ni Amy ay bumati sa kanya. Napataob nang lahat ni Perez ang lahat ng kanyang mga kasabay na palatuntunan sa telebisyon. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply