10 kahig, 1 tuka parami nang parami, PNoy

ANO-ANO na ba ang mga pinaggagawa nina P-Noy sa pagdami ng lahi ni Juan na nagsasabing parami nang parami ang naghihirap?

Kaugnay ito, Suki, ng sarbey ng Social Weather Station noong Hunyo 2010 na nagsasabing lumaki na sa halos 50 porsiyento o 45 milyon ng 90 milyong lahi ni Juan ang nagsasabing sila’y naghihirap.
Noong Marso 2010, nasa 38M 0  43% lang ang nagsabing sila’y naghihirap.

oOo

Kung kayo, Suki, ang tatanungin, dumarami ba o lumiliit ang bilang ng mga sampung kahig, isang tuka?

Wataymen sa 10 kahig, isang tuka ay ang mahirap na lahi ni Juan.

Kumpara sa mga ito, suwerti nang masasabi ang mga “isang kahig, isang tuka.”

Nagtatanong tayo, Suki, dahil nga sa sinasabi ng pinakahuling sarbey ng SWS na dumadaudos palubog nang palubog ang buhay ni Juan.

Eh, Setyembre na ngayon.

Ang totoo, mahalaga ang sarbey dahil dito nasusukat kung gaano kaepektib ang gobyerno sa pagsasalba kay Juan sa kahirapan. Kung pahirap nang pahirap si Juan habang nagtatagal ang panahon, naku, ano pa ang silbi ng pangakong pagbabago maging ang kay P-Noy, huh?

oOo

Hindi naman sang-ayon ang mga onorabol sa sarbey sa pagsasabing konti lang  o 33 porsiyento o 28M lang ang pur.

Sabi pa ng gobyerno, ang SWS sarbey ay “pagtingin” lang ni Juan sa kanyang sarili nang tanungin siya sa sarbey samantalang totoong rekord umano ang pinagbabatayan ng gobyerno.

oOo

Habang sinusulat natin ito, Suki, sinisikmura ako.

Bakit? Naiisip ko: paano kaya kung yang mga onorabol ang maging obrero, magsasaka, mangingisda, vendor, iskwater at iba pa, ano kaya ang magiging pagtingin nila sa kanilang mga sarili?

Kung ayaw naman nila, gawin na lang silang nars o kaswal sa gobyerno, ke nasyonal o lokal.

Ano kaya ang magiging tingin nila sa sarili: pur o hindi?

Eh yung mga titser, sundalo at pulis nga na pinakamataas na sahod ang tinatanggap, baon sa utang at krisis, yung mga nars at kaswal pa!

Oo, sinisikmura ako sa sinasabi ng mga onorabol na hindi totoong dumarami ang naghihirap na lahi ni Juan.

oOo

Mabuti pa, bilisan nina P-Noy ang paglalatag ng mga paraan para naman makaligtas si Juan sa hirap.

Nga pala, ginawa ang sarbey noong Hunyo. Paano nga kung lalabas pa rin sa sarbey sa mga araw na ito na pasama nang pasama ang kalagayan ni Juan?

Kailangan nilang magmadali. Bakit?

Aba, hindi pupuwedeng magpospon ng gutom, pagpapaospital ng maysakit, pag-aaral ng mga bata, pagbabayad ng upa sa bahay, pagbabayad sa kuryente, tubig at iba pa na pawang larawan ng kahirapan.

Warning shot: hindi ekskyus ang pagiging bago lang nina P-Noy sa poder!

O kilos na!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply