15 Indiano mula Malaysia, ini-smuggle sa Palawan; hinuli pero pinawalan din!

GA-BUNDOK ang dapat ipaliwanag nitong si Rowell V. Aballa, ang Alien Control Officer ng ng Bureau of Immigration Field Office sa Puerto Princesa City, Palawan, sa kanyang mga bosing sa BI lalo na kay OIC Commissioner Ronaldo Ledesma!

Ang pagpapaliwanag ay tungkol sa kaso ng 15 Indian nationals na nasabat sa isang checkpoint  ng mga elemento ng Philippine National Police sa pamumuno ni Police Senior Inspector Romulo Flores II noong umaga ng Agosto 31, 2010 sa national highway na sakop ng Bgy. Bonobono sa Bataraza, Palawan.

Lulan ng isang shuttle van na may plakang VVB-452 ang nasabing mga Indiano at patungo sana sa Puerto Princesa City upang sumakay ng isang eroplano patungo sa ibang lalawigan nang sila ay matiyempuhan ng mga tropa nating pulis.

Napag-alaman na ilang Pakistani nationals ang umupa sa nasabing shuttle van kaya’t hindi rin maiwaksi ang anggulo na sindikato ng mga Pakistani ang nasa likod ng kasong human trafficking na ito.

Sa dokumentong nakalap ko mula sa mga sources natin sa Palawan,  nagmula ang 15 mga Indiano– dalawa sa mga ito ay babae – sa bayan ng Kudat, Sabah, Malaysia kung saan ay umalis sila doon patungong Palawan gamit ang isang bangkang de-motor bandang alas-7 ng gabi noong Agosto 30.

Kinaumagahan ay dumating sila sa Bgy. Buliluyan, Bataraza kung saan namataan naman sila ng mga residente doon at kaagad na ini-report sa pulisya. Nguni’t mabilis din naman na naipuslit sila ng mga naghihintay na Pakistani nationals patungong Bgy. Rio Tuba kung saan sila isinakay sa nasabat na shuttle van.

Ang mga nadakip (kaalinsunod ng kanilang kasarian, petsa ng kanilang kapanganakan at mga numero ng kani-kanilang mga pasaporte) ay sina: Jaib Singh, male, date of birth (DOB) January 17, 1981, na may Passport No. E7013186; Kanwaljit Singh, male, DOB April 28, 1982, na may PP No. F1936117;  Harbhgvan Singh, male, DOB April 4, 1981, PP No. B5864513; Brar Harpinder Singh, male, DOB June 9, 1991, PP No. J0842135; Balbinder Singh, male, PP No. G9457262; Sarabjeet Singh, male, February 27, 1989, PP No. G9568987; Brar Tarsem Singh, male, DOB June 16, 1972, PP No. E8225673; Gurpreet Singh, male, DOB November 22, 1973, PP No. F5494372; Gurdip Singh, male, DOB June 16, 1989, PP No. G6742576; Brar Davinder Kaur, female, DOB May 7, 1990, PP No. H2385799; Harvinder Singh, male DOB August 25, 1983, PP No. E8294594;  Jasvir Kaur, female, DOB September 10, 1988, PP No. H8966556; Dhillon Jagdish Singh, male, DOB July 10, 1977, PP No. G0090411; Lakhwinder Singh, male, DOB January 15, 1973, PP No. E0074997; at isang nagngangalang Harpreet Singh, male, DOB October 21, 1989, PP No. G1757652.

Dinala ni P/Sr. Insp. Flores ang mga nahuling Indiano sa PNP provincial headquarters sa Puerto Princesa para sa kaukulang imbestigasyon. Kinagabihan, dumating din doon si ACO Aballa at doon na inisa-isang inspeksyunin at beripikahin ang mga passport ng nasabing mga Indiano.

Nabatid ni ACO Aballa na dalawa sa mga pasaporte ng mga Indiano ay parehong pineke sa pamamagitan ng pagdidikit ng mga bagong larawan. Nabatid din na ang nasabing mga pasaporte ay naglalaman ng “entry visa” na ini-isyu ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Agosto 26. Sapat ang kanilang visa para manatili dito hanggang Nobyembre 25, 2010.

Pero napuna ng grupo ni Aballa na hindi pirmado ng Consul General ng ating embahada ang pasaporte ng mga Indiano. Wala ring tatak ang mga ito ng official seal ng ating embassy sa Kuala Lumpur.

Bukod dito, nabatid din na walang departure stamp ang mga pasaporte na nagsasabing tunay ngang nagmula ang mga Indiano sa Malaysia. Wala ring arrival stamp ang mga pasaporte at lagda ng sinumang immigration officials ng ating bansa na nagpapatunay na sumailalim sila sa admission procedure ng BI.

Sa madaling salita, maliwanag na human trafficking o human smuggling ang kasong ito.

Dahil na rin sa lakas ng mga ebidensiya, nagpasiya ang grupo ng PNP at si Aballa na sampahan ng kaso ang mga Indiano sa tanggapan ng Provincial Prosecutor ng Palawan dahil sa salang paglabag sa Immigration Act ng Pilipinas.

Kinaumagahan, Setiyembre 1, ang mga nahuling Indiano ay sumailalim sa medical examination at inquest proceedings bago sila tuluyang ipinasok sa Palawan Provincial Jail. Pansamantalang  kinumpiska naman ng Provincial Prosecutors’ Office ang kani-kanilang mga pasaporte habang nakatakdang dinggin ang kanilang kaso.

Pero ilang araw lang ay may hiwagang nangyari sa kaso ng naturang mga Indiano. Kataka-takang nailabas sila ng kulungan at tuluyan nang naglaho! Bakit kaya, Mr. Aballa?

Kaso ito ng human trafficking, bakit hinayaang makawala ang mga Indianong ito?  Hindi ba dapat ay nai-turnover sa lalong madaling panahon ang mga ito sa BI main office para idiretso sa piitan ng BI sa Bicutan upang doon na lamang hintayin ang kahihinatnan ng kanilang kaso?

Mapapahiya na naman ang ating bansa sa mga ka-alyado natin – lalo na sa US – dahil tumatanggap ang ating pamahalaan ng milyun-milyong dolyares bilang donasyon para labanan at puksain ang salot na human trafficking na ngayo’y isa sa mga itinuturing na malaking problema sa buong mundo! Alam kaya ito ng mga taong responsable sa pagkakawala ng mga Indianong ito?

Anong malay natin kung ang isa o dalawa sa kanila ay kabilang pala sa international terrorist group at nagkunwang mga Indiano lamang? Ikaw na rin, Mr. Aballa, ang nagsabi sa report mo na positibong “binaklas” ang orihinal na litrato ng dalawa sa mga pasaporte na ininspeksyon mo!

May nag-tip na sa akin na nagtatago ngayon ang 15 Indiano sa apat na safehouse sa lalawigan ng Masbate kung saan sila ay sumasailalim sa pagtuturo at pagsasanay sa kung anong bagay!

Pero ang pinakamalinaw na nakikita ko dito ay kumita ng limpak-limpak na salapi ang ilang personalidad na humawak ng kasong ito!

Alam mo ba kung sino-sino sila, ACO Aballa?  Nagtatanong lang naman!

* * *

Teka, may pahabol akong balita: Tatlo sa 15 Indianong ito na nakapuslit sa Palawan ang nahuli kamakailan ng mga tauhan ng BI Intelligence Division sa pangunguna ng mga magigiting na sina Atty. Faizal Hussin at Charlie Bautista.

Congratulations, mga bosing!

* * *
Anumang reklamo, komento, o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Rematista/Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply