Pesteng ‘sipsip’ sa Bureau of Immigration; Mission order vs Korean gangsters at ang kaso ng 15 Indianong nawala sa Palawan

ILALAAN ko muna ang espasyo ng kolum ko na ito sa samu’t saring kuwentong nagaganap diyan sa Bureau of Immigration.

Alam ko kasi na sa oras pa lang ng flag-raising ngayong araw (gawain iyan kada araw ng Lunes ng umaga sa lahat ng tanggapang gobyerno) tiyak na umaarangkada ang pahayagang ito sa mga kawani ng Bureau of Immigration.

Tumbok ng paksa ko kasi ngayon ang reklamo ng mga kawani ng BI laban sa anila’y “sakit” na inihahasik sa loob ng kanilang tanggapan ng isang babae na tatawagin ko sa alyas na “Hanna Pon-si.”

Matindi raw ang “sakit” na dulot ng babaeng ito sa loob ng BI — malakas daw makapagpababa ng moral ng mga empleyado lalo na sa mga may natatanging posisyon.

Lintek daw kung sumipsip kay officer-in-charge Commissioner Ronaldo Ledesma itong si “Hanna Pon-si.”. At kung ano ang sinisipsip niya, ‘yan ang hihimay-himayin natin!

Lalo na’t napag-alaman natin na walang kaugnayan sa BI o hindi naman empleyado ito sa nasabing tanggapan!

Marami ng empleyado ng BI ang nakapagsabi sa akin na kulang na lang daw ay subuan ng pagkain at paliguan nitong si “Pon-si” itong si OIC Ledesma. Sir, totoo ba ito?

Paglabas pa lang daw sa kotse ni Ledesma sa tapat ng BI ay naroon na ang anino ni “Hanna Pon-si” para sunduin siya at ihatid sa kanyang opisina. Ganun din daw ang sistema sa tuwing pauwi na si OIC.

Aba’y para palang guwardiya-sibil ang linta, este hitad na ito!

Ang tanong: Bakit todo-dikit si “Hanna Pon-si” kay Ledesma gayung wala naman pala siyang direktang kaugnayan o kinalaman sa pagpapatakbo ng Bureau of Immigration?

Simple lang daw ang sagot: Power-broker o “fixer” ang babaeng ito.

Siya raw ang takbuhan ng mga “dupang” na taga-BI na nais mapuwesto o malagay sa “juicy positions” ng bureau sa ilalim ng termino nga nitong si OIC Ledesma.

Siyempre, may kapalit na bayad kada transaskyon. At hindi lang basta bayad! Malakihan daw kung sumingil itong si “Hanna Pon-si.”

May ilan na daw kawani ng BI ang nabiyayaan ng magandang posisyon dahil sa lakas ng babaeng ito kay OIC Ledesma.

Pero ano itong nasagap ko na may mas malalim pang diskarte itong si Hanna sa BI?

Totoo ba, OIC Ledesma, na “kolektor” ito ng BI sa Baclaran at Binondo area?

Mga negosyanteng Chinese – na pawang kuwestiyunable ang visa – ang target ng koleksyon ng nito!

Opo, si “Hanna Pon-si” ang babaeng kolektor ngayon ng BI!

* * * * * * * *

PERSONAL kong ipinararating kay Justice Sec. Leila de Lima na kanselahin ang 9-G visa na gamit ngayon ng ilan sa mga tarantadong Koreano na kumpirmadong mga pugante sa kanilang bansa at kasalukuyang nagtatago dito sa atin habang nagpapakilala na sila’y mga lehitimong negosyante bilang mga casino investors.

Wanted criminal sila sa kanilang bansa at ‘yan ang dahilan kung bakit ayaw nilang bumalik sa tinubuang lupa!

Tama si Sec. de Lima sa ginawang pag-isyu ng Mission Order laban sa 9 na hinihinalang mga miyembro ng Korean mafia na ngayon ay narito sa atin at pinagpapasasaan ang kaluwagan ng batas ng ating pamahalaan.

Sila ‘yung mga Koreanong nanggugulo sa kapwa nila mga Koreano na pawang lehitimo ang ginagawang paghahanap-buhay dito sa atin. Pananakit, pananakot at extortion ang lakad ng grupong ito. May insidente pa na may dinukot ang grupong ito na kapwa nila Koreano na hanggang ngayon ay di pa matagpuan at may hinalang pinatay nila.

* * * * * * * *
ANONG nangyari sa 15 Indiano na nahuli ng BI matapos mapag-alamang iligal na nakapasok sa Palawan mula bansang Malaysia nitong Agosto 31sa pamamagitan ng magdamagang pagbiyahe gamit ang isang bangka?

Walang arrival stamp ang pasaporte ng mga Indiano at wala ring departure stamp ng Malaysian immigration authoritries. May entry visa rin ang kanilang pasaporte pero walang pirma at walang official seal ng ating embahada sa Kuala Lumpur.

Malinaw na kaso ito ng human trafficking. Pero ang tanong ko lang ay bakit pinalaya ang naturang 15 Indiano ng Field Office ng BI sa Palawan? Hindi katanggap-tanggap ang nangyari dito!

Magkano ang kinita sa transakyong ito?

* * * * * * * *
Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply