2 milk products ipinababawi ng FDA

Ipinababawi ng Food and Drugs Administration (FDA) ang dalawang milk products na nasa merkado bunsod nang umano’y non-compliant sa itinatakdang standards ng FDA hinggil sa fat level content para sa follow-up formula.

Sa dalawang magkahiwalay na kautusan na may petsang Setyembre 16 at pirmado ni acting FDA Director Nazarita Tacandong, ipinag-utos ang pag-recall sa milk products na Sustagen Junior Milk Drink Powder Vanilla Flavor (for toddlers 1-3 years old) at Alactagrow Bibo Trio Milk Supplement, na produkto ng kilalang pediatric nutrition manufacturer na Mead Johnson Nutrition (Philippines) Inc.

Nag-ugat ang pag-recall sa naturang milk products matapos matuklasan ng FDA na pareho itong may fat level content na hindi sumusunod sa FDA standards.

Ayon sa FDA, sa ilalim ng CODEX STAN 156-1987, nire-require ang tatlo hanggang anim na gramo ng fat per 100 calories, na siyang standard para sa follow-up formula.

Gayunman, sa isinagawang ebalwasyon ng FDA sa Sustagen Junior Milk Drink Powder Vanilla Flavor, lumilitaw na mayroon lang itong 1.5 gramo ng fat per 100 calories, habang ang Alactagrow Bibo Trio Milk Supplement naman ay may fat content na 1.34 grams per 100 calories.

Nakasaad pa sa kautusan na ang patuloy na pagbebenta ng naturang milk products ay maaaring magresulta sa “gross deception” sa mga consumer at posible umanong magdulot ng panganib tulad ng sakit sa mga bata.

Hinimok pa ng FDA ang mga taong nakabili na ng mga naturang produkto na isauli ang mga ito sa manufacturer o kaya’y sa lisensiyadong distributor nito parsa maisauli rin ang kanilang pera.

Kaugnay nito, dumepensa naman ang Mead Johnson Nutrition at iginiit na mataas ng kalidad at ligtas ang kanilang mga produkto para sa consumption dahil pumasa ang mga ito sa healthy requirement ng FDA.

“Ang lahat ng produkto ng Mead Johnson passed FDA healthy requirement and considered to be safe for consumption and of high quality,” ayon kay Janryll Fernandez, Corporate Affairs Manager ng kumpaniya.

Iginiit din nito na ang findings ng FDA ay technical compliance issue lang dahil sa bagong Code of Standards na ipinalabas nito.

Tiniyak rin ni Fernandez na kaagad nilang reresolbahin ang isyu at nakatakda na umano silang makipagpulong sa FDA ngayong linggong ito hinggil dito. Kyle Gatus, Alex Ching at Amor Virata

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply