2 nangholdap sa bus nasakote

NAGBUNGA ang masusing manhunt operation na isinagawa ng mga operatiba ng follow up unit ng Mandaluyong City Police Office nang masakote nila kamakalawa sa Lungsod ng Makati ang dalawa sa apat na lalaking miyembro ng “Sako Gang” na humoldap sa isang pampasaherong bus sa EDSA sa bahagi ng siyudad ng Mandaluyong kamakailan.

Kinilala ni Senior Supt. Carlos de Sagun, Mandaluyong City police chief, ang mga nadakip na sina Rogelio Lungsod, 24, at Eric Aben, 25, kapwa residente sa Taguig City.

Sina Lungsod at Aben ay aktong pasakay ng isang pampasaherong bus para muling mangholdap nang arestuhin ng kapulisan sa Edsa sa Guadalupe, Lungsod ng Makati .

Ang dalawang suspek ay positibong kinilala ng isa sa mga biktima ng grupo na umano’y kabilang sa apat na lalaking responsible sa holdapan. Nakuha mula sa dalawa ang isang 9mm pistol at isang balisong.

Hinoldap ng grupo ang mga pasahero ng Philippine Corinthian Bus Liner noong tanghali ng Biyernes at nakatangay P50,000 halaga ng pera, alahas, at mga cellular phones.

Ang modus ng grupo ay magdala ng sako kung saan isinisilid ang mga mahalagang bagay na nakulimbat sa mga biniktimang pasahero.

Isang police asset ang nagbigay ng impormasyon sa pulisya tungkol sa nasabing grupo na umano’y magtatagpo sa Guadalupe para muling mangholdap ng mga pasahero ng bus.

Pinaghahanap na ng awtoridad ang mga nalalabing kasamahan ng nasakoteng dalawang suspek kasabay ng pagsasampa ng kasong robbery laban sa mga ito. Jun Ferrer

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply