$434M o P20B bigay ni Uncle Sam dapat silipin

PAANO kaya gagamitin ni P-Noy ang $434 milyon o P20 bilyong bigay ni Uncle Sam?

Grant o bigay at hindi utang ang tawag sa salaping galing sa Millenium Challenge Corporation na itinayo at hawak ni Uncle Sam para umano sa mga mahihirap na bansa upang labanan ang kahirapan.

Ipinangako kay P-Noy ang halaga nang bumisita ito kina Uncle Sam nitong nakaraang linggo.

Pero sabi ng mga kalahi ni Juan doon, buwis umano nila, kasama si Uncle Sam at iba pang naroroon ang salapi kaya dapat na gamitin ito nang matino at huwag hahayaang salakayin ng mga bantay-salakay.

oOo

Tingnan natin ngayon kung saan mapupunta ang salapi.

Heto, Suki.

Halagang $214.4M ang para sa paggawa at pag-repair ng 220 kilometrong kalsada sa pobreng lalawigan ng Samar para maayos umano ang pagbibiyahe ng mga tao at kalakal doon.

Gagamitin naman ang $120M sa paggawa ng mga pagawaing bayan gaya ng mga patubig, klinika at iskul.

Kung saan gagawin ang mga ito ay wala pang nakaaalam.

Ilalaan naman ang $54.3M sa Bureau of Internal Revenue para sa komputerisasyon nito laban sa mga korap.

Karaniwan namang nagtatayo si Uncle Sam ng opisina nito para subaybayan ang implementasyon ng programa.

oOo

Pangako ni PNoy, gagamitin ang halaga sa maayos na paraan.

Pero hanggang saan niya ito magagawa, huh?

Halimbawang ipasusubasta ang lahat: kompyuterisasyon ng BIR, paggawa at repair ng kalsada, patubig, klinika at iskul at ang mga kompanya ni kumrad Mao ang mananalo at hindi ang mga kompanyang gusto ni Uncle Sam, wala kayang haharang dito?

Kapag may humaharang, karaniwang inaabot ng siyam-siyam ang isang proyekto at “namamatay pati ang kabayo sa tuyo nang damo.”

Isa pa, ang bigay ni Uncle Sam sa kasaysayan ng repablik ni Juan ay may tali.

Hindi kaya may tali ang bigay na $434M?

Bakit kailangang bantayan ng sangay ng MMC si P-Noy sa paggamit ng pondo?

Ayon naman sa isang pribilids spits noon ni Senador Ping Lacson, lumalabas na nasa 40%-50% lang ng aktuwal na halaga ang nagagamit sa mga proyekto kahit na dumaan pa ang mga ito sa pasubasta.

Ang 50%-60% ay nilalamon ng mga kawatan, kasama na ang ligal na tubo ng mga kontraktor.

May pagbabago na ba sa sistemang ito, huh?

Huwag sabihing biglang naglaho ang sistemang ito kasabay ng pagkawala ng mga wangwang.

Tu si is tu bilib dito, Suki.

Lalo’t kahit may pusa ay kayang maglaro ang daga at ang matuwid na daan ay pupuwedeng gawing hindi lang liko-liko kundi bako-bako.

Subaybayan natin, Suki, ang magaganap sa implementasyon ng “bigay” ni Uncle Sam. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply