5 delikadong beauty products ipinaba-ban

Ipinaba-ban at ipinakukumpiska ng Food and Drug Administration ang lima pang beauty products, na mula sa mga bansang Japan at Taiwan dahil sa umano’y pagtataglay ng mataas na antas ng mercury na maaaring makasama sa kalusugan ng publikong gagamit nito.

Batay sa FDA Circular 2010-015 na ipinalabas ni acting FDA Director Nazarita Tacandong, kabilang sa mga naturang produkto ang St. Dalfour Beauty Whitening Cream na mula sa Tokyo, Japan; Beauty Girl Papaya & Hawthorn Essence (10 Double Whitening Speckles Removed Essence); Beauty Girl Ginseng & Green Cucumber (10 Double Whitening Speckles Removed); Beauty Girl Essence Aloe Pearl (10 Double Whitening Speckles Removed Essence) at Beauty Girl Olive & Sheep Essence (10 Double Whitening Speckles Removed Essence) na pawang mula sa Taiwan.

Nabatid na ipinag-utos ni Tacandong ang pagkumpiska at pagbabawal sa paggamit ng mga naturang produkto, na inilarawan nitong “imminently injurious, unsafe o dangerous” sa mga taong gagamit nito, bunsod ng taglay na mataas na lebel ng mercury.

“These products contain heavy metal (mercury) exceeding the allowable limit of 1 ppm (part per million). These cosmetic products therefore pose imminent danger or injury to the consuming public and the importation, selling or offering for sale of such is in direct violation of Republic Act No. 9711 or the Food and Drug Administration Act of 2009,” ani Tacandong sa circular, na may petsang Agosto 31, ngunit kamakalawa lang naipaskil sa website ng FDA.

Kasabay nito, hiningi ni Tacandong ang tulong ng lahat ng local government units  at mga consumer para agad na mai-report sa kanilang tanggapan ang mga outlet at establisimyento na nagbebenta pa rin ng mga naturang produkto.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply