56 nadale sa pagsabog sa iskul

SUBIC, Zambales-Umabot sa 56 katao ang nasugatan makaraang aksidenteng sumabog ang pulburang gagamitin sana bilang special effects sa ginaganap na cheer dancing competition sa isang kolehiyo sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa Foundation day celebration ng Kolehiyo ng Subic dakong 7:00 ng gabi kung saan nagtatanghal ang isang cheer dancing group nang maganap ang pagsabog.

Napag-alaman na gagamitin sana ang pyrotechnic device bilang special effects ng nagtatanghal na cheer dancing group subalit sa halip na kumislap lamang ay bigla itong sumabog.

Sa pinakahuling bilang ay naitala na umabot sa 56 katao kabilang ang mga estudyante at ilang nanonood sa pagtatanghal ang nasugatan na dinala sa James Gordon Memorial Hospital sa Olongapo City at sa San Marcelino District Hospital sa Zambales.

Sa mga nasaktan, sinasabing apat rito ang grabeng nasugatan kasama na ang naputulan ng kamay na kinilalang si Ferdinand Telmo, 28, isang choreographer ng cheer group.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung depektibo ang nagamit na pyrotechnic device o nasobrahan sa ginamit na pulbura na naging dahilan ng pagsabog at inaalam pa rin kung sino ang dapat papanagutin sa insidente. Jun Dumaguing

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply