85 katao nalason sa medical mission ni kong

UMABOT sa 85 katao ang  itinakbo  sa pagamutan makaraang malason sa inihaing pagkain sa pananghalian sa isinagawang medical mission ng isang kongresista sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.

Batay sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng PNP,  nakaratay sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital simula pa noong Miyerkules ng gabi  ang mga biktima na  kinabibilangan ng 64 bata at 21 namang matatanda.

Nabatid na ang mga ito ay dumalo sa medical at dental mission na inorganisa kaugnay ng ika -66 kaarawan ni Nueva Vizcaya Rep. Carlos Padilla.

Ang mga biktima ay nakaranas ng ‘acute level’ ng pagkalason na isinasailalim sa medikasyon matapos dumanas ng dehydration, pagsusuka at  pagtatae.

Sa pahayag  ng mga pasyente, masama na umano ang amoy ng isinilbi sa kanilang pagkain na kinabibilangan ng  karneng baboy na hinihinalang  nakalason sa mga residente.

Matapos makain  ang isinilbing pagkain sa pananghalian, ilang oras lamang ay nagsimula nang sumama ang pakiramdam ng mga biktima.

Samantala, sinagot naman ni Padilla at Governor Luisa Cuaresma ang gastusin ng mga pasyente sa pagamutan.

Isang team naman ng mga health worker ang idinispatsa sa lugar upang masuri ang sample ng karneng baboy upang malaman kung ito ang nakalason sa  mga biktima. VERLIN RUIZ

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply