Anak ng weteng

MULA sa mababaw na libingan, bigla na lang muling nabuhay ang isyu ng jueteng, salamat sa retiradong arsobispo na ayaw manahimik sa isang sulok.

Ano bang meron sa sugal na ito at ayaw mamatay-matay, laging pinag-aawayan pero walang gustong tumapos? Isang bagay lamang ang sigurado, hindi ito mamamatay habang nananaginip ng numero ang mahihirap na mga kababayan natin.

Iyan ang isang silbi ng jueteng: Saan tataya si kabayan kapag may nakitang numero sa ulap o kaya e sa bahay ng itlog ng gagamba kung walang jueteng? Masyadong maraming numero ang lotto saka matagal ang bolahan. Sa jueteng pwedeng tumaya kahit piso at malaki ang panalo.

Paano mo papatayin ang isang sugal na inaasahan ng maraming mahirap? Pwede mong patayin iyan pero kelangan mong palitan ng katulad ng sugal. At kung papalitan mo rin lang ng ibang sugal gaya ng small town lottery ang jueteng – na para ring jueteng sa iba lang pangalan – bakit hindi mo na lang gawing legal ang jueteng?

Sa ayaw at sa gusto natin, may silbi ang jueteng sa mahihirap dahil binibigyan sila nito ng pag-asa na sa isang araw suswertehin sila at mananalo. Ang pag-asang manalo ng “one-time big time” o kaya’y “several times small time” e opyong nagpapasigla sa ugat ng mamamayan. Para iyang relihiyon para sa iba na siyang nagbibigay ng dahilan para patuloy silang bumangon sa umaga at harapin ang araw.

Hindi tinatangkilik ang STL sa maraming lugar dahil minsanan lamang itong mambola, este bolahin, samantalang ang jueteng e tatlo hanggang apat na beses sa isang araw. Mas mataas rin ang premyo dahil mas maraming tumataya sa jueteng. Malakas rin ang jueteng dahil, ika nga ng arsobispo, gobernador na ng mga probinsya ang nagpapatakbo nito.

Pwedeng mawala ang jueteng kung gugustuhin pero babalik at babalik ito hangga’t walang pumapalit na mas tatangkilikin ng mahihirap.

Hindi kelangang sipain ng gobyerno ang mga operator ng jueteng at sila ang pumalit. Kelangan lang nilang bigyan ng matinding kumpetisyon ang jueteng hanggang sa puntong malugi ito at magsara.

Paano ito gagawin? Mamuhunan ang lokal na pamahalaan at sila ang umaktong bangka. Bigyan ng bonus ang mga pulis bilang protector o tagabantay. Sa ganun e hindi sila masisilaw sa suhol ng mga “juetengero” at sisipagin din silang hulihin ang mga juetengero dahil kakumpitensya nila ito. Ang tubo e babalik sa lokal na pamahalaan at gagastusin sa mga serbisyong pampamayanan. Maeengganyong tumaya dito ang mamamayan at hindi sa jueteng dahil bumabalik sa kanila ang ganansya.

Tapatan din nila ang jueteng, gawin nilang tatlo hanggang apat din ang bolahan sa isang araw at gawin ito sa publiko para alam ng lahat na walang dayaan. Ito ang isang bentahe ng legal na pataya kontra sa ilegal na pinagdududahang dinadaya.

Tingnan natin kung kaya pa ng mga juetengerong makipagsabayan kung harapan ang laban.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply