Ano ang gagawin sa bagong natural gas?

MAY bagong minahan ng natural gas at langis at higit na malaki ito kaysa nasa  Malampaya.

Inianunsyo ng kompanyang Nido petroleum ang pagkakadiskubre nila ng minahan malapit sa kilalang Malampaya natural gas sa Palawan.

At alam ba ninyo ang isang mahalagang bagay rito?

Nasa limang bilyong bariles umano lahat ang laman ng minahan.

Kung ikukumpara sa laman ng Malampaya, malayong mas malaki ang hawak ng Nido dahil nasa 2.8 trilyong cubic feet lang ang sa una samantalang nasa 29 trilyon ang sa huli.

Isa pa, kung magtatagal ang buhay ng Malampaya sa loob ng 20 taon, higit na mas mahaba ang buhay ng minahan ng Nido.

Sisimulan nang minahin ang Nido sa 2012 samantalang kalahati na lamang ng buhay ng Malampaya ang natitira.

oOo

Napakayaman, Suki, ang repablik ni Juan ng natural gas at langis.

At mapakikinabangan natin ang mga kayamanang ito nang matagal na panahon.

Ang natural gas lang, Suki, ay kasagutan sa problema sa kalusugan dahil sa maruming hangin na dala ng langis na gamit ng mga sasakyan, barko, planta ng kuryente at iba pa.

Pinagmumulan ito ng mga kanser, hika, alergi at iba pang mga sakit.

Sagot sa sakit ang natural gas dahil napakalinis ito kumpara sa marumi at nakalalasong gasolina, diesel at iba pa.

oOo

Kaugnay nito, ano-ano na kaya ang naiisip at ginagawa ng mga onorabol?

Nananatili sa ating isipan, Suki, ang sinasabi ng mga onorabol na nasa P14 lang ang presyo ng isang litro ng natural gas.

At kung magiging operational na ang Nido natural gas at langis, tiyak na magpapatuloy ang murang likas na yaman.

Sa kasalukuyan, ginagawa lang na panggatong ng mga planta ng kuryente ang natural gas at nakikinabang lang ang mga may-ari ng mga planta ng kuryente, may minahan at pamahalaan.

Ang nakapagtataka, Suki, bakit nakamahal pa rin ang kuryente sa repablik ni Juan?

Eh 60% ng kuryente na nalilikha sa Luzon ay galing sa tatlong planta ng kuryente na nakikinabang sa malinis at napakamurang natural gas.

Ang tagal-tagal na rin nating inaantay ang pagpapalaganap ng natural gas sa buong bansa pero hanggang ngayo’y ni anino ng isang proyekto ay wala tayong nakikita.

Puro testing lang ang ginagawa.

Ni isa sa nasa limang milyong sasakyan dito ay tumatakbo na natural gas ang gasolina.

Ang naririnig natin, Suki, ay ang pagbebenta ng Shell at PNOC ng natural gas sa ibang bansa dahil mas mahal umano ito roon.

Ang yaman ng bansa ay pinakikinabangan lang ng iilan at mga dayuhan.

Panahon nang ibaling ang pakinabang sa natural gas sa mamamayan. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply