Bagong panganak tumangging makipag-sex, kinatay ni mister

PINAGSASAKSAK hanggang mapatay ng isang buko vendor ang kapapanganak pa lamang na misis nang tumangging makipagtalik ito sa Las Pinas City kamakalawa ng gabi.

Patay na nang idating sa Las Pinas District Hospital si Jessica Malinao, 30, sanhi ng mga saksak sa dibdib at tiyan, bukod pa sa taga sa kaliwang braso habang mabilis na tumakas ang mister na si Locresio Malinao

Sa report ni PO3 Ernesto Bautista, Jr., ng Investigation and Detective Management Division ng Las Pinas Police, narinig umano ng kasera ng biktima na si Merliza Marquez , 35, ang muling pag-aaway ng mag-asawa dakong 6:45 ng gabi sa loob ng kanilang tirahan sa Blk 85 Lot 81 Plainview st., ATO Compound, Brgy CAA, naturang lungsod.

Ilang sandali pa’y narinig na lamang niyang lumabas na umiiyak at nagsisisigaw ang apat na taong gulang na panganay na anak ng dalawa na humihingi ng tulong hanggang makita na lamang ang nakahandusay at duguang katawan ng biktima sa loob ng kanilang tirahan.

Ayon sa kagawad na si Jimmy Aborte ng Brgy CAA, madalas umanong mag-away ang dalawa dahil sa pagtanggi ng biktima na makipagtalik sa kinakasama dahil kasisilang pa lamang nito sa kanilang ikatlong anak.

Napag-alaman na tatlo na ang anak ng dalawa na ang pinakapanganay ay apat na taong gulang pa lamang

Pinaghahanap na ng pulisya ang suspek upang papanagutin sa krimen. Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply