Comelec total gun ban umpisa na

Muling pinaalalahanan kahapon ng Commission on Elections ang mga gun owner na simula na sa araw na ito ang nationwide gun ban bilang paghahanda sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Sinabi ni Comelec Commissioner Lucenito Tagle na mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala ng anomang uri ng pampasabog, airsoft guns at bladed weapons.

Aniya, tanging ang mga regular member lang ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at iba pang government law enforcement agencies ang pinapayagang magbitbit ng armas habang naka-duty ang mga ito.

Sinomang mahuhuling lalabag sa gun ban ay maaaring makulong ng hanggang anim na taon habang ang mga kandidatong lalabag dito ay maaaring masampahan ng kasong kriminal at administratibo bukod pa sa posibleng diskwalipikasyon sa kanilang kandidatura.

Magtatagal ang gun ban hanggang Nobyembre 10.

Kaugnay nito, ipinag-utos  ng Comelec ang pagtatatag ng mga checkpoint sa mahigit 1,500 munisipalidad at siyudad sa bansa para matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng gun ban.

Sa Resolution ng Comelec, nakasaad na layon nito na maiwasan ang karahasan o krimen habang pinapairal ang 45-day total gun ban.

Dagdag pa ng komisyon na nagpasya silang gawin ito kasunod ng pagdedeklara sa 14 na lalawigan bilang ‘hot spots.’

Samantala, sinabi ni PNP chief Director General Raul Bacalzo na maglalagay sila ng mga checkpoint, partikular sa mga lugar na itinuturing na areas of immediate concern na
naglalayong mapigilan ang pagdanak ng dugo.

Ayon kay Bacalzo, palalakasin din ang operasyon para lansagin ang mga Private Armed Groups ng mga kandidato.  Ann P./ V. Ruiz

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply