CommGroup, media igigisa sa Senado

IPAPATAWAG  ng Senado bukas ang tatlong opisyal ng Communications Group ni Pangulong  Aquino  at mga media practioner upang magbigay linaw sa isinagawang pagkilos nito sa kasagsagan ng hostage drama noong nakaraang linggo.

Base sa nakalap na impormasyon sa committee secretariat ng Senate committee on mass media and information, nakatakdang ipatawag sina Sec. Ricky Carangdang, Presidential Spokesman Edwin Lacierda at Sec. Sonny Coloma.

Matatandaan na si Carangdang ang pinagsabihan umano ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robledo na mangasiwa o alamin ang takbo ng media coverage sa nagaganap na hostage drama noon.

Bukod sa tatlong kalihim, nakatakdang ipatawag din ng Senado ang matataas na opisyal ng ilang istasyon ng radyo at telebisyon na nagsagawa ng blow-by-blow coveragesa hostage drama upang matukoy kung anong dapat na alituntunin ang sundin ng media sa ganitong uri ng krisis.

“May imbitasyon nang ipinadala sa kinauukulang resource person para sa hearing na gaganapin sa Martes,” ayon sa komite.

Ipatatawag din ng Senado ang ilang anchorman at reporter na direktang nakipag-usap kay S/Inps. Rolando Mendoza sa kasagsagan ng hostage taking.

“Sesentro ang imbestigasyon sa naging blow-by-blow coverage ng TV  at radyo sa simula hanggang matapos ang madugong hostage drama,” wika ni  Sen. Gregorio Honasan, chairman ng naturang komite.

Nauna nang sinuspinde ng Senate committee on public order and illegal drugs ang imbestigasyon sa insidente matapos magpalabas ng gag order si Justice Secretary Laila De Lima na siyang mahigpit na kinontra ng oposisyon sa pangunguna ni Minority Leader Sen. Alan  Peter Cayetano.

Sa kanyang manipestasyon nitong nakaraang Miyerkoles, hiniling naman ni Sen. Joker Arroyo na ibalik ang imbestigasyon na tutuon lamang sa papel ng media at matukoy ng  Senado kung kailangan bisitahin muli ang prangkisa ng mga istasyon ng telebisyon at radyo hinggil sa ganitong uri ng sitwasyon. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply