Corporate social responsibility daw

AYAW talaga kumagat ng International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) sa ipinadala ng katotong beterano sa peryodismo—na kayang magpalakad ng public relations and social awareness campaigns para maging uto-uto ang sambayanan. Naghahanap kasi ang ICTSI ng bata pa para gumawa ng ganoong kababalaghan sa pagpapaganda ng nakakadudang kartada.

Siyempre, hindi naman uungot ang bata ng malaking sahod kahit isasalang sa mission impossible… para maging mabango ang alingasaw at alingasngas na suisingaw.

Iniulat kasi ng Commission on Audit na kabilang ang ICTSI Foundation—pang-iwas pusoy sa buwis o tax shelter ng korporasyon ang ganito—sa mga non-government organizations na tumipak mula P447 milyong ipinamudmod ng Palasyo para tustusan daw ang mga proyekto nila.

Lumalabas sa COA records na tumanggap mula kay Gloria Macapagal-Arroyo ang ICTSI Foundation ng P100 milyon “when no vouchers and supporting documents were submitted.”

Agad pinasubalian ng ICTSI Foundation ang ulat, hindi raw natuloy ang pagbibigay ng naturang donasyon, na iminungkahi raw sa kanila nitong Marso 2010. Hindi raw kasi akma sa mga itinataguyod na layunin ng kanilang NGO ang mga proyektong patutustusan ng donasyon… ibinuhos kasi noon ang santambak na proyekto sa distrito ng Pampanga na tinakbuhan ni GMA bilang kinatawan sa Kamara.

Kahit na kapwa cabalen si GMA at ICTSI chairman and president Enrique K. Razon Jr., mas kursunada ng bilyonaryong kaalyado ng dating Pangulo at ingat-yaman ng Lakas-Kampi na magbuhos ng pondo sa kanilang teritoryo, sa mga lupalop na kalapit ng pantalan…

Kung uungkatin kung anuman ang mga proyektong ipinapatupad, wala pang linaw… basta “optimize the growth potentials of the youth by providing support mechanisms in the areas of sports, education and social welfare.”

O sa madaling sabi, wala pa talagang kongkretong proyekto… kaya nga naghahanap ang korporasyon ng tauhan na bubuno sa pagpapalabas ng sangkatutak na press release… para lumabas na mayroon pala silang corporate social responsibility.

Mas kongkretong lumalabas ang natuklasan ni Manila Vice-Mayor Isko Moreno— sa dalawang taong singkad, umabot na pala sa 12 ektarya ang natambakan ng ICTSI sa teritoryo nito sa Isla Puting Bato.

Kaya nakatakdang humarap ang mga pinuno ng ICTSI sa Manila City Hall para magpaliwanag kung bakit mas astig sila kaysa embahada ng Amerika, na ayon nga kay Moreno “kahit may sovereign status ang U.S. , ipinapaalam pa sa amin anumang konstruksiyon ang kanilang gagawin sa loob ng embahada.”

T-teka, lumilitaw sa ulat ng COA na binigyan ng Pangulong cabalen ang negosyanteng cabalen ng P100 milyon… “no vouchers and supporting documents were submitted.” Iginiit ng ICTSI na hindi raw nila tinanggap ang donasyon… hindi naman pumipiyok ang isa pang cabalen.

Kailangang magkalinawan dito… baka nahokus-pokus na ang limpak-limpak na milyones na mula rin sa buwis ng taumbayan… dapat lang na busisiin ng Kamara o Senado kung anumang mahika ang nangyari, kung saang bulsa nayari ang may P447 milyong ipinamudmod ni GMA, pati P594 milyong nilustay na walang sapat na dokumento’t paliwanag. Langitngit/Dong delos Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply