Death threats ‘breakfast’ ni Miriam

INAALMUSAL ngayon ni Sen. Miriam Defensor Santiago ang death threats simula nang ibulgar sa Senado ang P300 bilyong operasyon ng jueteng sa bansa na pinakikinabangan ng hepe ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).

Sa ipinalabas na pahayag, sinabi ni Santiago na nakatatanggap ngayon ang kanyang tanggapan sa Quezon City ng pagbabanta sa kanyang buhay kaya’t hinikayat ng senador ang “tinamaan” sa jueteng expose nito na isulat sa kanyang Facebook account ang lahat ng death threats.

“Nakatanggap ako ng ulat mula sa aking mga office staff na ilang di kilalang boses ang nagbabanta sa aking buhay,” giit ni Santiago.

Aniya, natanggap ang pagbabanta ni Sandy Schala, executive assistant ng senador at Matilde Fuentes, administrative head ng kanyang tanggapan.

“Kaya’t inatasan ko ang aking mga staff na ipadala ang lahat ng tawag nang pagbabanta sa aming tanggapan sa Quezon City,” aniya.

Sinabi ni Santiago na ilan sa mga mensaheng ipinadadala ng nagbabanta sa kanyang buhay ang katagang “take it easy on the operators and the PNP” or insisting that “she should present witnesses or shut up”; or demanding that “she should resign or else.”

Naunang inakusahan ni Santiago na tumatanggap ng P150 milyon kada taon ang tinatanggap ng kalihim ng DILG at hepe ng pambansang pulisya mula sa operasyon ng jueteng bukod pa sa nakukuhang “payola’ sa opisyal ng pamahalaang lokal at pulisya.

Binanggit din ni Santiago ang ilang malalaking personalidad sa pulitika kabilang sina Bong Pineda, asawa ni Pampanga Gov. Baby Pineda,  Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, Atong Ang, Bonito Singson, Rep. Ronald Singson at ilang pa na pawang operator ng jueteng sa limang rehiyon.

“Kumakain ako ng death threats bilang almusal,”  aniya.

Dahil dito, hinamon ni Santiago ang lahat na isulat sa kanyang Facebook account ang lahat ng death threat o pagbabanta sa kanyang buhay.

“Please post all death threats on my Facebook wall,” patapos ni Santiago.  Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply