Demolisyon sa QC ‘di muna itutuloy ng NHA

HINDI na muna itutuloy ng National Housing Authority ang demolisyon sa mga bahay ng mga informal settler sa Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa, North Triangle, Quezon City kahit nagtapos na noong Biyernes ang 24-oras na temporary restraining order na inilabas ng korte.

Sinabi ni NHA General Manager Atty. Chito Cruz na hihintayin muna nila ang abiso ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bago sila kumilos muli dahil nasa ilalim ng tanggapan ng Pangulo ang NHA.

Dahil dito, mananatili muna aniya ang status quo order na una nang iniutos ng Pangulo at hindi na muna pupunta ang NHA sa nasabing lugar upang maiwasan ang tensyon.

Inihayag ni Cruz na nangako naman ang hukom na may hawak ng kaso kaugnay ng demolisyon na reresolbahin ito ngayong linggo.

Patuloy namang umaapela si Cruz sa mga residenteng nagtatayo na naman ng mga bahay sa naturang lugar na hintayin na muna ang magiging desisyon ng hukuman bago sila kumilos.

Tuloy-tuloy pa rin naman ang voluntary relocation sa mga residente sa lugar na nais nang lumipat sa relocation center ng NHA sa Rodriguez, Rizal.

Mula noong Huwebes hanggang Sabado, mahigit 300 pamilya na ang nailipat sa relocation site habang nasa 50 pamilya pa ang inaasahang ire-relocate ngayong araw.

Samantala, sinabi ni Rizal Gov. Jun Ynares III na handa nilang tanggapin ang halos 9,000 pamilya na nilalayong ilagak sa kanila ng NHA.

Aniya, bagamat mangangahulugang halos 45 libong katao ang kakailanganin nilang bigyan ng karagdagang serbisyong panlipunan, naniniwala siyang kakayanin ng Rizal na tugunan ang bagay na ito, lalo na sa larangan ng edukasyon at kalusugan.  Alex Ching/Jayzl Nebre

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply