Disabled ii-exempt sa ‘number coding’

HANDANG pagkalooban ng exemption sa Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP)  o “number coding” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga taong may kapansanan bilang tugon sa kahilingan ng National Council on Disability Affairs (NCDA)

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, may karapatan din ang mga may kapansanan na magtungo sa iba’t ibang lugar na kanilang nanaisin lalo na ang mga estudyanteng papasok sa paaralan o mga kawani na pupunta sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan.

Ibinatay din ni Tolentino ang pagpayag na mabigyan ng exemption ang mga may kapansanan sa ginawang ratipikasyon o pagpapatibay ng Pilipinas sa inilatag na mga karapatan ng sinumang taong may kapansanan ng United Nations Convention noong Abril 15, 2008.

Nakasaad sa naturang ratipikasyon ang pagtiyak sa proteksyon at parehas na karapatan ng mga taong may kapansanan, kabilang na ang pagtungo nila sa mga lugar na kanilang nanaisin, pantay na edukasyon, pangkalusugan, pamayanan, rehabilitasyon at paglahok sa pulitika ng walang mararanasang diskriminasyon.

Sinabi ni Tolentino na upang makakuha ng exemption sa UVVRP ang mga taong may kapansanan, kinakailangan lamang na lumiham sa kanilang tanggapan ang mga ito na may kalakip na official receipt at car registration na kanilang pag-aari o pag-aari ng kanilang magulang o guardian, at medical certificate na magpapatunay na sila ay may kapansanan. Johnny F. Arasga

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply